Kilala sa kaniyang pagiging isang singer at impersonator ni Regine Velasquez, dumanas din sa pagsubok si Anton Diva ngayong may pandemya. Ang stand-up comedian, nakagawa ng paraan para kumita sa pamamagitan ng livestreaming.
Sa "Stories of Hope," ikinuwento ni Anton na hindi niya malilimutan ang petsang Marso 15, 2020, o pagsisimula ng lockdown sa bansa.
"Wala akong naitabi, seryoso. Kaya nu'ng dumating 'yung pandemic na lockdown na 'yan, walang trabaho, nagkaroon ako ng realization na 'Paano na? Paano ka na Anton?'"
Ngunit ang kaniya rin mismong idolo at ginagaya na si Regine Velasquez ang naging daan para magkaroon siya ng ideya kung paano kikita sa gitna ng pandemya.
Mula sa online concert ni Regine, naisip ni Anton na puwede rin siyang mag-live sa Facebook. Hanggang sa may mga nagpapadala sa kaniya ng tulong, kapalit ng pagkanta ng kanilang requested songs.
"Hindi ako particular sa amount. Kasi minsan P100, kakantahin ko. Hindi ako madamot sa kanta," anang stand-up comedian.
Kalaunan, sinubukan niya ang livestreaming app na Kumu, kung saan nakatatanggap ang mga live streamer ng virtual gifts, na kapag naipon ay puwedeng i-cash out.
"Sasabihin nila 'Regine na Regine!' After all these years nakakakuha pa rin ako ng mga gano'ng comment," sabi ni Anton.
"Sobrang miss na miss ko na 'yung may live audience, kasi 22 years kong ginawa 'yun 'no. Tapos ngayon wala. Sobrang miss ko na 'yung agad agad mong maririnig 'yung tawa nila, agad agad mong makikita 'yung reaksyon, 'yung face nila," sabi ni Anton.
Tunghayan sa video ang buong kuwento ng unti-unting pagbangon ni Anton sa pandemya.
--FRJ, GMA News