Sa kagustuhang magkaroon ng mala-porselanang balat, may mga kababaihan ang sumusubok ng mga nauusong beauty product na nagbibigay daw ng "glass skin" effect. Pero hindi yata ito puwede para sa lahat dahil ang iba, namula at nagbalat ang kanilang mukha at leeg.
Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," itinampok ang kaso ni Berna Fuentes, isang beauty and lifestyle vlogger na OFW sa Singapore, na bumili ng beauty set sa halagang higit S$15 o mahigit P500.
Ang beauty set ay naglalaman ng sabon, facial toner, at iba't ibang cream. Trending din ito dahil kaya raw makuha ang inaasam-asam na glass skin na look sa loob lamang ng isang linggo hanggang isang buwan na paggamit.
Pero nabasag ang pinapangarap na glass skin ni Berna dahil nang ipahid ang mga produkto, nagbalat-balat na ang kaniyang mukha at namula ang kaniyang leeg.
"Nahapdian kaagad ako sa part ng mata kasi kinakamot ko po siya dahil sa allergy. Ang dami ko pong nakikita rin na nasusunog 'yung balat nila, pero at the same time hindi ako masyadong natakot kasi pinapakita rin nila roon sa vlog nila na 'yon nasusunog siya pero 'yung set na iyon pa rin 'yung nakakapagpagaling," sabi ni Berna.
"Nagsasalita ako, hindi ko na kinakaya kasi sobrang tight na talaga niya then sobrang hirap na pong kumain," sabi ni Berna. "Sa sobrang lala na po talaga niya pulang-pula siya na sobrang dry. Parang [nadikitan ng plantsa]," dagdag niya.
Halos ganito rin ang nangyari kay Amy Bacalso, na nangitim ang mukha nang subukan ang mga trending set ng pampaganda na nabili niya sa halagang P350.
""Nu'ng first day mahapdi po siya. Noong second day parang nararamdaman ko nang humahapdi lalo 'yung mukha ko, mainit na siya," sabi ni Amy, na nangitim ang mukha, hindi na makakain at nagsugat-sugat ang mukha sa ikatlong araw ng paggamit ng produkto.
Pero nang ipasuri sa Food and Drug Administration (FDA) ang mga produkto, sinabi ng ahensiya na "FDA notified" ang mga ito o may authorization para ibenta sa merkado.
Gayunman, may ilang batch sa produktong ginamit ni Berna ang may FDA advisory.
May mga kababaihan din ang naglabas ng testimonya na epektibo sa kanila ang mga produkto.
Paliwanag ni Dr. Zharlah Gulmatico-Flores, chair ng Public Relations and External Affairs ng Skin Safety Campaign of Philippine Dermatological Society, sensitibo ang tipo ng mga balat nina Berna at Amy at hindi akma sa kanila ang ginamit nilang set.
"Remember, hindi lahat ng product one size fits all. Hindi ibig sabihin nag-work sa kasama mo, nag-work sa kaibigan mo, magwo-work din sa'yo" ayon kay Dr. Flores. --FRJ, GMA News