Kung dati ay sumasali sa mga pageant, ngayon ay palagi na lang nasa bahay ang isang 23-anyos na babae dahil sa pagkakaroon niya ng malaking bukol sa pisngi. Ang sinasabing dahilan nito, ang ngipin na tumubo na malapit sa kaniyang lalamunan. Alamin kung paano ito nangyari.
Sa programang "Pinoy MD," sinabing limang taon na ang nakararaan nang maramdaman ni Diana Marie Cabiles na tila may butas sa kaniyang gilagid.
Kalaunan, may tumubo na rito na isang maliit na bukol.
At sa paglipas pa ng panahon, ang malaking bukol, tuluyang lumaki.
Nang sumailalim sa x-ray si Diana, nakita na mayroong isang ngipin na tumubo sa butas ng gilagid ni Diana, na halos malapit na sa kaniyang lalamunan.
Ayon sa oral and maxillofacial surgeon na si Dr. Jose Angelo Militante, si Diana ay may kondisyon na tinatawag na ameloblastoma.
Ang naturang bukol ay benign o hindi nakamamatay, pero "very aggressive."
Sinasabing ang ameloblastoma ay nanggagaling sa mga wisdom tooth na hindi tumutubo.
"'Yung wisdom tooth na 'yon ang nangyari baka instead na hindi siya tumubo, so naka-entrap siya sa ilalim ng buto or gilagid, baka nagkaroon ng sugat, nagkaroon ng wound or nagkaroon ng infection doon sa area, which can also actually trigger the discovery of ameloblastoma," ayon kay Dr. Militante.
Dahil agresibo ang ameloblastoma, lalaki ito nang lalaki hangga't hindi naooperahan. May mga pambihirang pagkakataon din na maaari itong maging malignant o cancerous kung mapababayaan.
Ang magandang balita, maaaring operahan si Diana upang maalis ang kaniyang bukol sa pisngi. Alamin sa video ang prosesong isasagawa sa ameloblastoma at kung papaano maaaring makatulong sa dalaga. Panoorin.
--FRJ, GMA News