Sa isang panaginip, nagpakita umano sa batang si Clark ang Diyos at sinabihan silang gumawa ng bunker o tirahan sa ilalim ng lupa para paghandaan ang sinasabing "tatlong araw na kadiliman."
Inabutan ng team ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang paghuhukay sa bakuran ng mag-inang Charity Enot at Clark sa Jasaan, Misamis Oriental.
Nasa anim metro na ang laki ng hukay at lalim na limang talampakan. Pero kulang pa raw ito dahil nais nina Charity na laliman pa at lakihan ang bunker para makapagsama sila ng maraming tao.
Ayon kay Clark, sinabihan siya ng Diyos sa panaginip na magkakaroon ng tatlong araw na kadiliman at plague o salot kaya dapat silang maghanda na.
Upang mapondohan ang ginawa nilang bunker, ipinost nila ito sa social media upang makahingi ng donasyon.
Sinabi ni Charity na nakatatanggap naman sila ng mga tulong mula sa mga netizen.
Nagsimula na rin mag-imbak ng pagkain ang mag-ina at tinakpan nila ang bintana bilang bahagi ng paghahanda.
Pero bakit kaya tutol sa ginagawang bunker ang mismong ina ni Charity, at ano ang masasabi ng Simbahan tungkol sa sinasabing babala tungkol sa "tatlong araw ng kadiliman?"
Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News