Mapalad tayo na tinatawag ni Hesus para sumunod sa Kaniya (Mateo 10:1-7).
"Bilang mabubuting katiwala ng iba't-ibang kaloob ng Diyos. Gamitin ninyo ang kakayahang tinanggap ninyo sa ikapapakinabang ng lahat."
Ikaw ba'y tagapangaral? Ipangaral mo ang Salita ng Diyos. Ikaw ba'y tagapaglingkod? Gamitin mo sa paglilingkod ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay Siya'y papurihan sa pamamagitan ni HesuKristo.
Sa Kaniya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen". (1 Pedro 4:10-11).
Lahat tayo ay tinawag ng Panginoong Diyos para paglingkuran ang ating kapuwa. Sa pamamagitan ng kaniya-kaniya nating bokasyon.
Halimbawa, may mga taong pinagkalooban ng Diyos ng talino upang maging abogado, arkitekto, guro, mamamahayag at iba pa.
Samantalang ang iba naman ay tinawag ng Panginoon para magsilbi sa ating kapuwa tulad ng mga duktor, nurse, pari, madre, at maging ang mga layko.
Ang mga nabanggit na propesyon ang ating bokasyon at tungkulin dito sa ibabaw ng lupa na ipinagkatiwala sa atin mismo ng Panginoong Diyos para magsilbi sa mga tao.
Sa ating Mabuting Balita (Mateo 10:1-7), tinawag ni Hesus ang kaniyang labindalawang Alagad para sa isang bokasyon na ang layunin ay magsilbi rin sa mga tao sa pamamagitan ng panggagamot at pangangaral.
Ang kahulugan ng salitang bokasyon o "vocare" sa wikang Latin ay pagtawag. Kaya maituturing na isang magandang biyaya mula sa Diyos ang pagkakatawag Niya sa atin sa pamamagitan ng ating kaniya-kaniyang propesyon para maglingkod sa ating kapuwa.
Tinawag ni Kristo ang labindalawang Disipulo bagama't sila'y mga ordinaryong tao lamang. Ang mahalaga ay pinagkatiwalaan sila ni Hesus para gawin ang isang dakilang misyon sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng Salita ng Diyos.
May nakitang katangian sa kanila ang Panginoong Hesus na wala sa iba. Ilan sa kanila ay mangingisda at ang isa naman ay dating maniningil ng buwis.
Ang mga katangiang nakita sa kanila ni Hesus ay (1) kababaan ng loob o "humility", (2) kahandaang sumunod sa kalooban ng Diyos o "obedience" at pagtitiwala sa Diyos.
Sapagkat nang sila ay tawagin ni Hesus upang sumunod sa Kaniya, nagpaubaya ang mga Alagad sa kalooban ng Diyos at nagtiwala sila kay Kristo kahit iyon pa lamang ang una nilang pagtatagpo.
Sasama ka ba sa isang taong tumawag sa iyo pero hindi mo naman siya kilala? Ang labindalawang Disipulo ay nagpakumbaba at sumunod kay Kristo nang walang pag-aalinlangan o pagdududa.
Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na huwag nating sayangin ang bokasyon na ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Dahil mapalad tayo at ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon ang ating mga talino at kakayahan para magsilbi sa ating kapuwa kahit ano pa man ang iyong hanapbuhay.
Sinabi nga ni Hesus sa sulat ni San Mateo na, "Marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili". (Mateo 22:14)
Hindi lahat ng tinawag ay binigyan ng pagkakataon na magsilbi sa kapuwa at sa Panginoon. Kaya huwag natin itong sayangin.
Manalangin Tayo: Panginoon, nawa'y huwag namin sayangin ang pagkakataon na kami ay tinatawag Mo para maglingkod. Nagpapasalamat po kami sa pagtitiwalang ipinagkaloob Mo sa amin, bagama't hindi kami karapat-dapat. AMEN.
--FRJ, GMA News