Nasa 45 katao ang nasawi, habang 49 na iba ang nasugatan matapos bumagsak ang C-130 aircraft ng Philippine Air Force (PAF) sa Patikul, Sulu nitong Linggo.
Ayon sa militar, hanggang nitong 8:40 p.m. ng Linggo, 42 sa mga nasawi ay military personnel na sakay ng eroplano, at tatlo naman ang sibilyan na nadamay at nasa lupa nang mangyari ang insidente.
Sa kabuuan, 96 na tauhan ng militar ang sakay ng eroplano at 49 ang sugatan, habang lima pa ang hinahanap.
Sa mga sibilyan na nadamay na nasa ibaba, may apat na iba pang nasugatan.
'Lumampas sa runway'
Galing umano sa Lumbia Airport sa Cagayan de Oro City ang C130 military aircraft na may tail number na 5125, at lalapag sa Jolo port sa Sulu nang bumagsak ito dakong 11:30 a.m.
Sa pahayag ng Joint Task Force Sulu, bumagsak ang eroplano sa Sitio Amman sa Barangay Bangkal. Ilan sa mga sakay ng eroplano ay mga bagong Philippine Army privates.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras," sinabi ni AFP chief General Cirilito Sobejana na lumampas ang eroplano sa runway.
"Na-miss niya 'yung runway trying to regain the power at hindi nakayanan, bumagsak doon sa Barangay Bangkal, Patikul, Sulu. We are doing our best effort to rescue the passengers," anang opisyal.
May mga nakakita umano na may ilang sakay ng eroplano ang tumalon bago sumayad sa lupa ang dambuhalang aircraft.
"We remain to be hopeful that we could find more survivors. Our search and rescue is still ongoing with 17 personnel unaccounted. This individuals were supposed to report to their battalions today. They were supposed to join us in our fight against terrorism," ayon kay Joint Task Force Sulu Commander Major General William Gonzales.
Sinabi ng militar na walang nangyaring pag-atake kaya bumagsak ang eroplano.
Ayon sa tagapagsalita ng Bangsamoro government at rapid disaster response head Minister Naguib Sinarimbo, ginagamit ang eroplano sa paghahatid ng COVID-19 medicines at iba pang gamit sa mga isla sa rehiyon.
Ito na ang ikatlong insidente ng pagbagsak ng eroplano ng militar sa taong ito. Nitong Enero, isang helicopter ang bumagsak, at nasundan nitong Hunyo.
Nanawagan naman si Defense Secretary Delfin Lorenzana na iwasan ang mga espekulasyon kaugnay sa nangyaring insidente.
"With the investigations of the past mishaps still ongoing, such speculations are as of yet baseless and disrespectful to the affected men and women of the Philippine Air Force, AFP and their families," ayon sa kalihim.
"We call on the public to refrain from spreading highly speculative statements about the unfortunate incident," pakiusap niya. —FRJ, GMA News