Sa halip na itapon, ginawang mga laruang "robot" ang electronic items mula sa mga computer at iba pang gadgets bilang malikhaing paraan para makatulong sa pagbabawas ng basura sa kapaligiran.
Sa GMA News Feed, sinabing binuo nina Bam Basbas at Eryk Sabitsana ang "UBots," o upcycled robots na gawa sa mga sirang piyesa ng keyboards, wires at earphones, at iba pa.
Sampung taon na nila itong ginagawa, na nagsimula nang mapansin ni Basbas na may pupuwedeng gawin sa mga broken wire.
"Siguro minsan you have that moment where you realize, 'maybe I can do something with the wires,'" sabi Basbas.
Kaya naman mula sa mga patapong bagay, mga makukulay na robots accessories ang kanilang nalilikha at ibinibenta sa mga art store at bazzar.
May Pinoy twist pa ang pangalan ng kanilang UBots, tulad ni "Kwintatron" na mula sa salitang kuwintas, at "E2D2" na bookmark na nangangahulugang "Ito dito." Si Gayumatrix naman na gawa sa USB ay nanggaling sa "gayuma" at "matrix."
May "UBots" version din ng Avengers at Justice League.
"I hope that people will realize that just because it's already broken, doesn't mean naman it's already a trash," sabi ni Sabitsana. --FRJ, GMA News