Hindi napigilan ni Pokwang na maluha nang balikan niya kung paanong unti-unting nanghina ang kaniyang ina dahil sa dementia, hanggang sa tuluyan itong mamaalam noong 2020 sa gitna ng nararanasang pandemya.
Sa "Brigada," sinabing pangsiyam si Pokwang, o Marietta Subong sa tunay na buhay, sa 12 magkakapatid, na pinalaki ng kanilang mga magulang sa gitna ng hirap sa buhay.
"Pagdating na ng pasukan, Pasko, birthday, doon namin nararamdaman na, 'Ay, totoo palang waley kami 'no?!' 'Waa!' (Hirap sa pagkain) Doon mo mararamdaman," anang komedyante.
Dito nagsilbing lakas ni Pokwang ang kaniyang ina, na pinasok ang iba't ibang trabaho sa buhay tulad ng pagiging mananahi at staff sa canteen.
Dahil sa sipag ng kaniyang ina, natuto rin si Pokwang na dumiskarte sa buhay nang nagtrabaho siya sa Japan bilang entertainer at choreographer sa edad 17.
Pagbalik sa Pilipinas, sinubukan ni Pokwang ang mga comedy bar, at dito na nagsimulang makilala ang kaniyang pangalang "Pokwang."
Sumali siya sa isang contest para sa mga komedyante at siya ang nanalo.
Nasuklian naman ni Pokwang ang paghihirap ng kaniyang ina nang bilhan niya ito ng alahas.
"Birthday niya. Sabi ko, 'Ma meron akong bigay sa'yo.' Sabi niya 'Ano na naman 'yan? Baka mamaya kung anu-ano pinagbibili mo? 'Di ba sinabi ko sa'yo mag-ipon, alam mo naman ang buhay ng artista.'"
Pero nang iabot na ni Pokwang ang singing, "Sabi ko 'O kanina tumatalak ka, bakit hindi ka tumalak ngayon?' 'Ang ganda anak!'" kaniyang pag-alala sa ina.
Gayunman, unti-unting nanghina ang kaniyang ina nang magkaroon ito ng dementia, karamdaman kung saan apektado ang pag-iisip ng isang tao.
"Ang sakit-sakit. Kasi noong time na pagpasok ko sa showbiz, talagang siya agad 'yung inisip ko na bibigyan ko siya ng lahat ng gusto niya. Kaya talagang sobrang kayod na rin ako. Kaya ang sakit sa akin kasi hindi na niya naaalala 'yon," ayon sa aktres.
Nitong pandemya ng 2020, dumaan si Pokwang sa isa sa pinakamalungkot na bahagi ng kaniyang buhay.
"Dahil nasa pandemic tayo, sinisilip mo lang siya sa pinto. Pagkaligo, pagkatapos ko maligo from work, sisilipin ko lang siya pero hindi ko siya mayayakap," kuwento ni Pokwang.
"Sabi ko 'Lord, thank you pinahiram mo sa amin ang nanay ko. Kung oras na, huwag mo na siyang pahirapan. Alam kong mahal mo siya, hindi mo siya pinahihirapan pero binabalik na po namin siya sa Inyo'... Hindi na lang siya gumising," pag-alala ni Pokwang.
Tunghayan ang buong kuwento ni Pokwang sa video.
--FRJ, GMA News