Gaya ng ibang administrasyon, tumanggap din ng mga batikos at puna si dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III. Ngunit bukod sa mga kritisismo, nilait din ang kaniyang pagkatao at binansagan ng kung anu-ano.
Bago bumaba sa puwesto noong Mayo 2016, eksklusibong nakapanayam ni GMA News anchor Vicky Morales si Aquino, at naitanong ang damdamin ng dating Punong Ehekutibo sa mga batikos sa kaniya.
"At the end of the day, we have to make a choice. The time is limited and we cannot spend it on people who have close minds," ani Aquino.
"'Pag naba-bother 'yong mga kasamahan ko, sinasabi ko na bakit nila kailangang pakinggan at tsaka ba't obligado. Dapat magtrabaho lang tayo nang magtrabaho."
May ilang kritiko rin personal ang batikos kay Aquino tulad ng pagtawag ng kung anu-ano tulad ng "abnoy."
"Lalo na 'pag 'yong name ko, 'yon talaga 'yong absence of any substance eh. To be honest, baka pinagdasal ko pa sila," patuloy niya.
Bukod sa pagpapalakas sa ekonomiya ng bansa, at paglaban sa katiwalian, isa sa mga tumatak na ginawa ng kaniyang administrasyon ay ang pagbabawal sa paggamit ng "wang-wang" sa mga sasakyan ng mga opisyal para makauna sa lansangan--maging sa kaniyang security escort ng Presidential Security Group (PSG).
Aniya, ang naturang paggamit ng wang-wang ay naging simbulo ng pang-aabuso sa kapangyarihan.
Pumanaw kaninang umaga si Aquino sa edad na 61.
Ayon sa kaniyang kapatid na Pinky Aquino-Abellada, renal disease secondary to diabetes ang dahilan ng pagpanaw ng dating pangulo.
Bago naging pangulo noong 2010 hanggang 2016, nagsilbi si Aquino bilang kinatawan ng Tarlac sa Kamara de Representantes mula 1998 hanggang 2007, at naging senador mula 2007 hanggang 2010.--FRJ, GMA News