Inihayag ng Commission on Elections na mayroon itong pinasok na kasunduan o memorandum of agreement (MOA), sa dalawang kompanya na magsasagawa ng mga "live test run." Susubukan nito ang pagboto sa pamamagitan ng internet upang magamit ng mga Pinoy abroad sa panahon ng halalan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Rowena Guanzon, commissioner-in-charge for overseas voting, na sisimulan ang naturang live test run sa Hulyo.
Wala umanong gagastusin ang Comelec sa gagawing pagsubok na isasagawa ng solutions providers na Indra Sistemas at Voatz.
"This exploratory test use of a mobile app for overseas voters is groundbreaking, and the results will have a significant and valuable impact on how elections may be conducted in the future,” ayon kay Guanzon.
Sinabi pa ng opisyal na ang internet voting test runs ay bahagi ng ginagawang pag-aaral ng ahensiya sa internet-based technologies upang suriin kung maisasagawa ang internet voting.
Ang test run umano ay ang ikatlong bahagi ng plano na kabibilangan ng actual test voting activity.
Natapos na umano ng Comelec ang first at second phases ng internet voting system noong last quarter at 2020 at first quarter ng 2021, ayon sa pagkakasunod.
Sa isasagawang test run, magkakaroon ng mga "test voter" para sa pagdaraos ng "mock election" gamit ang internet applications o platforms ng mga kompanyang kausap ng Comelec.
Maaaring magparehistro ang mga botanteng Pinoy abroad para makasali sa mga test run. Matatapos ang pagpaparehistro sa June 25, pagsapit ng 5 p.m.
Ang vice commissioner-in-charge for overseas voting na si Antonio T. Kho, Jr. ang lumagda umano sa naturang kasunduan.
Hinikayat naman ni Director Sonia Bea Wee-Lozada, mula sa Office for Overseas Voting (OFOV), ang mga Pinoy sa abroad na aktibong botante na magparehistro at makibahagi sa naturang test run ng internet voting.
“We call on registered overseas voters who have active and complete voter registration record to sign up and be part of this important activity,” ani Wee-Lozada.
Maghahanda rin ang Comelec sa ika-apat at huling bahagi ng evaluation phase. Kasama rito ang post-election assessment activity na naglalaman ng pagdodokumento ng mga aktibidad at obserbasyon ng mga kinauukulan, karanasan sa proseso, mga puna, at iba pa.
Lumagda rin ang Comelec at ang service providers sa non-disclosure agreements bago ang actual test run.
Batay sa Republic Act 9189 o Overseas Voting Act, pinapayagan ang Comelec na magsagawa ng pag-aaral sa internet-based technologies para sa overseas voting.
Sa kasalukuyan, sa mga embahada o konsulado ng Pilipinas bumoboto ang mga Pinoy na nasa ibang bansa.—FRJ, GMA News