Sa taas niyang 7'4, kinikilala ang isang 37-anyos na lalaki sa Batangas bilang ang pinakamatangkad na Pinoy sa Pilipinas. Pero ang kaniyang tangkad, may kaakibat na pahirap sa kaniya.
Sa programang "iJuander," makikitang nagagamit ni William Biscocho ang kaniyang tangkad sa pagiging security wardman sa Lipa City municipal hall para makita kaagad ang mga tao.
Madali niyang makita kahit malayo pa lang kung walang suot o hindi maayos ang pagkakasuot ng face mask at face shield ng mga taong papasok sa munisipyo.
Isinilang noong 1983 si William na mayroong kondisyon sa kalusugan na tinatawag na "gigantism." Dahil sa sobra-sobra ang kaniyang growth hormones sa katawan, naging mabilis ang kaniyang paglaki nang higit sa normal.
Sa siyam na magkakapatid, siya lang ang may ganitong kondisyon.
Dahil sa kaniyang hindi normal na laki, nakaranas si William ng bullying noong bata pa.
"Naranasan ko mga high school or elementary, tinatawag nila akong higante, malaking tao, tikbalang," sabi ni William.
Ang kaniyang sobrang tangkad ang dahilan din kung bakit unti-unti ring nakuba si William, at mabilis na mahapo.
"Mahirap, mahirap. Parang lagi akong may dalang mabibigat. Palaging may nararamdaman, palaging pagod," saad niya.
"Sa edad kong 37, para na akong senior citizen. Kapag naglalakad, madali na akong madapa," sabi pa ni William na hindi rin magkasinglaki ang dalawang paa.
Kaya naman hindi rin pareho ang sukat ng mga tsinelas ni William. Nasa 16.5 inches ang kaniyang kaliwang paa samantalang 15 inches naman ang kanan.
"Ipinaglihi raw ako doon sa nagre-wrestling. Hindi ko alam kung si Hulk Hogan ba 'yun. Basta napadungaw lang daw siyang ganoon. Pero I'm not sure kung 'yun na nga," sabi ni William.
Ang taas ni William ay malapit nang maabot ng Gilas Pilipinas player na si Kai Sotto, na nitong Enero ay lumitaw na may sukat na 7'3."
Alamin sa "iJuander" ang mga pamahiing ginagawa ng ilang Pilipino para tumangkad. At totoo nga bang epektibo ang pag-inom ng mga growth enhancer? Panoorin.
--FRJ, GMA News