Alang-alang sa pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin, buhay ang itinataya ng ilang guro sa isang paaralan sa Bukidnon sa pagtawid nila sa rumaragasang ilog gamit lang ang salbabida upang makapaghatid ng learning modules sa kanilang mga estudyante.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, ipinakita ang panganib na ginagawa ng ilang guro ng Panganan Elementary School, sa Barangay Panganan, Kitaotao, Bukidnon, upang gampanan ang kanilang trabaho.
Ang mga gamit nila tulad ng learning modules, inilalagay nila sa plastik para hindi mabasa. Pagkatapos nito, sasakay na sila sa salbabida na inaalalayan ng ilang kalalakihan at saka nilang susuuingin ang rumaragasang ilog.
Ayon sa isang guro, lubhang mapanganib ang pagtawid sa ilog lalo na kung mataas ang tubig at malakas ang agos.
Ang isa sa kanila, muntik nang malunod at nakaligtas lang sa tulong ng residente.
Bukod sa panganib na ginagawa nila sa pagtawid sa ilog, nagsasakripisyo rin ang mga guro na malayo sa kanilang pamilya ng isang linggo dahil kailangan nilang manatili sa paaralan.
Ang problema, walang paraan ng komunikasyon at internet signal sa paaralan kaya wala rin silang pagkakataon na makausap man lang ang naiiwan nilang mga anak sa pamamagitan ng cellphone.
Tunghayan sa video na ito ng "KMJS" ang buhay ng mga guro ng Panganan Elementary School, at may pag-asa pa kayang mabago ang kanilang kalagayan sa pamamagitan sana ng pagtatayo ng tulay sa ilog. Panoorin ang buong kuwento.
--FRJ, GMA News