Labis ang takot at pag-aalala ng mag-asawang lola Pacita at lolo Lary dahil sa misteryosong nambabato sa kanilang bahay sa La Union. Katunayan, habang isinasagawa ang panayam, isang bato ang pumasok sa bintana.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," inabutan ng team ang bahay ng mag-asawa na basag-basag ang mga bintana, butas-butas ang mga dingding, at nagkalat ang mga bato sa bubungan.
Dalawang buwan na raw silang ginagambala ng nambabato sa kanilang bahay na pinaniniwalaang ng isang albularyo na isang "kapre" na nakatira sa punong malapit sa kanilang bahay.
Naiparating na rin nila sa barangay ang insidente pero hindi nila masabi kung sino o anong nilalang posibleng nanggugulo, at nais daw silang paalisin sa kanilang bahay.
Kasama rin ng mag-asawa ang kanilang mga menor de edad na apo na hindi na kasama ang mga magulang.
Habang nasa bahay ang "KMJS" team, nakitang nawalan ng malay ang isa sa mga binatilyo na ginagambala raw ng duwende.
Ang isa pang binatilyo, nagsabing nagbabala umano ang itim na duwende na nagagalit sa ginagawang pag-iimbestiga sa bahay tungkol sa mga nambabato sa kanila.
Banta umano ng duwende, magkakaroon ng sunog sa bahay kapag hindi tumigil, at nangyari nga ang sunog pero mabuting naapula kaagad.
Upang malaman ang katotohanan, naglagay ng mga camera ang KMJS team sa paligid at loob ng bahay. At nang kanilang panoorin ang mga kuha, may nahuli sila sa camera na pinaniniwalaan nilang may kagagawan ng "kababalaghan" sa bahay.
Alamin sa video kung ano ang nahuli-cam ng "KMJS" team. Panoorin.
--FRJ, GMA News