Mabigat na problema ang kinakaharap ng isang 12-anyos na babae sa Puerto Princesa City, Palawan, nang biglang lumaki nang sobra ang kaniyang dibdib matapos magsimulang reglahin.

Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo, sinabing tumitimbang umano ng 20 kilo ang dibdib ni Yumi.

Kaya kung ang mga ka-edad niya ay baby bra pa ang isinusuot, si Yumi ay 40 DDD Cup na ang bra na kailangan na mahirap pang mahanap.

Sa kaniyang taas na 4'9," mabigat na dalahin para kay Yumi ang kaniyang malaking dibdib, na nagdudulot sa kaniya ng pananakit ng likod.

Hindi na rin siya makapaglaro tulad ng karaniwang bata.

Bukod sa tinutukso, mayroon pang ilang kalalakihan na nagbabastos sa kaniya.

“Ayaw ko po kasing maranasan ’yung naranasan ni Mama. ’Yung mama ko po kasi, nakaranas na siya na minamanyak siya ng ibang lalaki. Ayaw ko po na magawa sa akin iyon,” saad niya.

Nakatira si Yumi sa kaniyang tiyahin, habang nasa Taytay naman ang kaniyang inang si Maricel, na isang guro.

Ayon sa kaniyang tiyahin na si Grace, nagsimulang lumaki ang dibdib ni Yumi nang magsimulang reglahin ang dalagita noong nakaraang taon.

Sa isang larawan, makikita si Yumi na hindi pa malaki ang dibdib nang ipagtiwang ika-11 kaarawan.

Lumalaki raw ang dibdib ni Yumi sa tuwing nagkakaroon siya nang buwanang dalaw, ayon sa kaniyang tiyahin.

Dahil sa community quarantine, halos isang taon na silang hindi nagkakasama ng kaniyang ina.

Nagulat at nag-alala na lang si Maricel nang makita sa larawan na ipinadala sa kaniya ang sobrang paglaki ng dibdib ng anak.

Nang magpasuri si Yumi sa duktor, napag-alaman na mayroong siyang kondisyon na "juvenile gigantomastia," o ang abnormal na paglaki ng kalamnan.

Maaari naman operahan si Yumi ngunit kailangan nila ang P600,000 hanggang P1,000,000 na halaga, bagay na hindi nila kayang ipundar.

Bilang isang guro, sinabi ni Maricel na hindi niya kakayanin ang halagang pampaopera ng anak kahit pa ipangutang niya ito.

Kabilang sa maaaring gawin sa dibdib ni Yumi ay bawasan o kaya naman ay tuluyan na lang itong alisin at lagyan ng artificial implants.

Nais sana ni Maricel na mabawasan ang dibdib ng anak, pero si Yumi, handang ipatanggal na lang ang kaniyang dibdib upang hindi na bumalik ang paglaki nito.

Ang mga abogado, nagbabala naman sa mga nambabastos at mangbu-bully kay Yumi dahil maaari silang maharap sa asunto tulad ng paglabag sa Bawal Bastos Law o Safe Spaces Act and Anti-Bullying Law of 2013, at maging sa Cybercrime Act.

“Sana po huwag po silang manyak ng babae kasi pare-parehas lang naman po tayong mga tao. Pareho lang po ang isa’t isa,” hiling ni Yumi, na naging emosyon din nang mayakap at makasama nang muli ang kaniyang ina. Panoorin ang video.

– FRJ, GMA News

Sa mga nais tumulong kay Yumi, maaaring mag-deposito sa:

UNION BANK
MARICEL BALLARTA
ACCOUNT NUMBER: 109423745250