Ikinamangha ng mga residente sa Gippsland sa Victoria state sa Australia ang mala-"out of this world" na pagbalot ng sapot ng mga gagamba sa kanilang lugar.
Sa video ng local councillor na si Carolyn Crossley, na mapapanood sa GMA News Feed, makikita ang pagbalot ng spider web sa kanilang lugar nitong Linggo, na nangyari matapos nilang maranasan ang pagbaha.
Namangha sila sa kakaibang tanawin habang nililipad ng hangin ang malawak na sapot, na umabot ng isang kilometro ang lawak sa ilang lugar.
"I wasn't scary. It was beautiful. Everything was just shrouded in this beautiful gossamer spiderweb, all over the trees and fences," sabi ni Carolyn Crossley, local councillor at resident.
"The sun was going down at the time and the light was beautiful, just to see it billowing, this wave going across the landscape," dagdag ni Crossley.
Natagpuan ang malawak na sapot ng gagamba nang suriin ng mga awtoridad ang mga sirang idinulot ng pagbaha sa lugar.
Ipinaliwanag ng mga eksperto na isa itong survival tactic ng mga gagamba na tinatwag na "ballooning."
Ang ballooning ay paraan ng mga gagamba para makaakyat sa mas mataas na lugar at makaligtas mula sa baha.
Ayon sa kanila, posibleng milyon-milyong gagamba ang naghagis ng sapot sa mga nakapaligid na puno na lumikha sa kakaibang spider web.
Inaasahang tatagal ito ng isang linggo at kusang maghihiwalay.--FRJ, GMA News