Mas tumatag pa ang pananampalataya ni Allan K. matapos niyang malagpasan ang mga dagok sa kaniyang buhay nitong 2020. Kabilang dito ang pagsasara ng kaniyang mga comedy bar, pagkamatay ng kaniyang mga kapatid, at pagkakaroon niya ng COVID-19.
Sa "Tunay Na Buhay," tinanong si Allan kung ano ang kaniyang naging sandigan nang dumating ang mga naturang pagsubok.
"Ang faith ko talaga kay Lord. Hindi talaga 'yun matitibag ng kahit na anong pandemya, kahit na anong natural calamity. 'Di ba after ng na-COVID ako, parang, 'Ano pa ba ang katatakutan ko, hello?" anang komedyante.
"Napaka-detrimental, napaka-deadly ng dumapo sa akin, binuhay ako ni Lord. What else is there na katatakutan?," patuloy niya.
Hunyo ng 2020 naman nang tuluyan isinara ni Allan ang kaniyang comedy bars na Klownz at Zirkoh sa Quezon City dahil sa epekto pa rin ng pandemya.
Ipinagluksa rin niya ang halos magkasunod na pagpanaw ng kaniyang kapatid dahil sa kani-kanilang mga sakit.
Dagdag pasakit din kay Allan na hindi niya nakita ang mga kapatid sa huling sandali dahil sa protocols na ipinatutupad ng pamahalaan dahil sa pandemic.
Silipin ang mga pinagkakaabalahan ni Allan ngayong panahon ng pandemya, tulad ng pag-aasikaso sa interior design ng kaniyang bahay, at kaniyang restaurant na siya ang nagpinta ng wall art.
--FRJ, GMA News