Nagulat at namangha ang maraming tao sa Europa sa nakita nilang misteryosong liwanag sa kalangitan na nag-iiba pa ng hugis bago naglaho pagkaraan ng ilang minuto. Gawa nga kaya ng aliens ang liwanag gaya ng hinala ng ibang nakasaksi? Alamin.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing kabilang ang mga residente sa Billingborough, United Kingdom sa mga nakakita sa misteryosong liwanag na tumagal ng 12 minuto sa kalangitan bago naglaho.
Mabagal lang ang paggalaw ng liwanag na mas malaki sa ordinaryong aircraft ang sukat. Habang nagtatagal, nagbabago ang anyo ng liwanag na mula sa pagiging oval, naging tila hugis paruparo, at pagkatapos ay naging spiral.
Nakita rin ito sa iba pang bahagi ng United Kingdom, pati sa Sweden, Croatia, at mga kalapit na lugar.
Kasunod nito, naglabasan ng iba't ibang hinala ang mga tao tungkol sa kanilang nasaksihan. Ang iba, naghinalang muli sa aliens ang liwanag.
Pero paliwanag ng mga awtoridad, ang liwanag ay tinatawag na "SpaceX spiral," isang phenomenon na nakikita ang liwanag mula sa fuel na itinapon sa kalawakan ng mga umiikot na SpaceX rockets.
Ang nakitang liwanag ay mula umano sa Falcon 9 rocket na inilunsad sa Cape Canaveral Space Force Station. Nakita ang liwanag kasunod ng pag-deorbit ng second stage ng naturang rocket.
Karaniwan umanong umiikot ang second stage habang inilalabas nito ang fuel kaya nakikita sa Earth ang mala-spiral na liwanag habang pumapasok sa atmosphere ang rocket.
Noon, itinuturing itong pambihira pero nagiging madalas na ngayon habang dumadami ang inilulunsad na Falcon 9 rocket.
Tiniyak naman ng mga eksperto na ligtas at hindi dapat ikabahala sa naturang phenomenon.-- FRJ, GMA Integrated News