Nanawagan si 2020 Miss Universe Philippines Rabiya Mateo sa publiko na itigil ang pamba-bash sa iba pang kandidata sa Miss Universe pageant, matapos makatanggap ng racist remarks si Miss Universe Canada Nova Stevens mula sa ilang Pinoy fans.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing sumalang si Rabiya sa isang virtual media conference dalawang linggo bago ang Miss Universe coronation day, at tinanong sa kaniya ang tungkol sa online bashing at bullying.
"I really feel sorry to her 'cause nobody deserves to be in that position. I've been bashed, you know, and there was a moment in which a lot of people would tell me 'That's normal, you're a beauty queen.' But I've seen how it affected not just me but also other candidates," sabi ni Rabiya.
Humingi rin ng tawad si Rabiya kay Ms. Universe Thailand Amanda Obdam matapos itong makatanggap din ng pambabatikos.
Sinabihan ni Rabiya ang kaniyang fans at supporters na itigil ang bashing.
"Me and the organization is trying to make a venue to make an appeal to the public to stop being rude, because it costs nothing to be kind," sabi ni Rabiya.
Hindi pinalampas ni Nova ang mga panlalait na kaniyang natatanggap mula sa ilang Pinoy. Pero nilinaw din niyang hindi lahat ng Filipino ay racist.
Nag-post si Nova ng ilang screen shots ng mga negatibong komento na makikita na nakasulat sa wikang Filipino.
Nagpadala ng mensahe sa kaniya si Rabiya tungkol dito.--Jamil Santos/FRJ, GMA News