Bukod sa posibleng bisa bilang panlaban sa COVID-19, pinag-aaralan na rin ng Department of Agriculture (DA) kung puwedeng gamitin gamot laban sa African Swine Fever ng mga baboy ang kontrobersiyal na ivermectin.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing bumuo na ng research team ang DA para pag-aralan ang anti-parasitic drug bilang gamot sa ASF.

Magsasagawa rin ang DA ng field study gamit ang ivermectin at iba pang produkto na pupuwedeng panlaban sa ASF.

Ang ASF ang nagdulot ng pagkamatay ng maraming baboy sa Pilipinas, dahilan ng pagtaas ng presyo nito.

Nagresulta rin ito ng pagdeklara ng price ceiling at pagbaba ng taripa sa pag-angkat ng imported pork, na higit na nakaaapekto sa kasalukuyan sa hog industry.

Naging kontrobersiyal ang ivermectin na kilalang gamot bilang pampurga sa mga hayop at tao matapos na isulong ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, na gamitin ito bilang gamot na panlaban sa COVID-19.--Jamil Santos/FRJ, GMA News