Naghahanda na ang mga bar at nightclub sa Lan Kwai Fong sa Hong Kong para tumanggap ng mga kostumer na naturukan na kahit isang shot ng COVID-19 vaccine.

Sa ulat ng Reuters, sinabing maging ang mga tauhan sa mga establisimyento ay kailangang nabigyan na rin kahit isang shot ng bakuna.

Bukod sa dapat na naturakan ng bakuna, dapat nakarehistro ang kliyente sa mobile tracking application ng pamahalaan.

Isa ang naturang teritoryo ng China sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19 na umaabot lang sa 11,700.

Ang bagong patakaran upang makapaglibang sa bar at nightclub ay paraan upang mahikayat ang tao na magpabakuna.

Sa 7.5 milyon na populasyon nito, nasa 12 porsiyento pa lang ang nakakatanggap ng unang dose ng bakuna.

"The re-opening of bars and the extension of opening hours are incentives for people to receive the vaccination, while the most important thing...is to prevent the spread of the infection, should it hit us again," sabi ni Professor Lau Chak Sing, head ng department of Medicine ng University of Hong Kong (HKU).

"In an ideal situation, one should complete the course of vaccination to ensure protection," dagdag niya.

Mananatiling bukas hanggang 2:00 am ang mga nightclub, karaoke lounge at bathhouse. Pero hanggang kalahati lang ng kapasidad ang papayagan, ayon kay Sophia Chan, Health Secretary ng lungsod.

Dalawang tao lang ang dapat na magkasama sa bawat lamesa.

Bago papasukin, dapat mag-scan ang kostumer sa government app at ipakita ang ang kanilang vaccination record na nakalagay sa kanilang mobile phone.

Pero maraming residente ang hindi gumagamit ng app dahil sa privacy concerns, at pinipiling isulat na lang ang kanilang detalye.

Papayagan din ang mga restaurant na magbukas ng hanggang 2 a.m. at hanggang walong tao ang puwede sa bawat lamesa.

Dapat na magkahiwalay ang mga kostumer na may bakuna at wala pang bakuna.

Ayon kay Allan Zeman, chairman ng Lan Kwai Fong Group, property owner and developer sa nightclub district,  nais na ng mga may-ari ng bar na magbukas pero nananatili naman ang agam-agam ng mga tauhan sa bakuna.

"The restrictions will not be easy. Customers themselves need to have one vaccine, that in itself is very limiting," saad niya.--Reuters/FRJ, GMA News