Inialay ni Gregorio 'Gigo' de Guzman sa kaniyang namayapang ina na si Claire dela Fuente ang pagkakabasura ng Makati City Prosecutor's Office sa kasong isinampa ng pulisya laban sa kaniya at sa 10 iba pa kaugnay sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

“Today’s resolution lifted some of the weight these past 6 months. But the damage has been done. It’s still not completely over, but at least for today we can breathe a sigh of relief,” saad ni Gigo sa kaniyang Instagram stories.

Gumaan aniya ang pakiramdam ni Gigo nang ibasura ng Office of the Prosecutor General ang reklamong rape with homicide na isinampa sa kanila ng pulisya dahil sa "lack of probable cause."

 


Walang nakitang sapat na ebidensiya ang piskalya para iakyat sa korte at litisin sa ibinibintang na reklamo ang mga respondents kaugnay sa nangyari kay Christine noong Enero 1.

Matatandaan na nakitang hindi na gumagalaw si Christine sa bathtub ng isang hotel sa Makati matapos doon ipagdiwang ang pagpasok ng Bagong Taon, kasama ang mga kaibigan na dinaluhan din ni Gigo.

“The past 6 months has been the heaviest in my life, but today I got to breathe. Reading those words we’ve been working so hard for brought me so much emotion today," saad ni Gigo.

Hindi man kapiling ni Gigo ngayon ang kaniyang ina, na pumanaw nitong Marso dahil sa komplikasyon sa COVID-19, inialaw niya rito ang kaniyang pagkaka-absuwelto sa kaso.

“For the first time, I went to Makati City hall without my mom... And I truly felt her absence. As the guys talked about give their copies to their parents to give them a sense of comfort, I wished I could hand mine to her,” ayon kay Gigo.

“Ma, we did it. One step forward,” dagdag pa niya.

Kasama ni Gigo sa listahan bilang respondent sa reklamong isinampa ng pulisya sina John Pascual dela Serna III, Rommel Galido, John Paul Halili, Jezreel Rapinan (alyas Clark Rapinan), Alain Chen (may mga alyas na Valentine Rosales at Val), Mark Anthony Rosales, Reymar Englis, Louie Delima, Jamyr Cunanan, at Eduard Pangilinan III.

Gayunman, may nakabinbin pang kaso laban sa mga respondent kaugnay sa hiwalay na reklamo na isinampa sa piskalya ng National Bureau of Investigation (NBI).

Inakusahan ng NBI ang mga respondent ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, perjury, obstruction of justice, at reckless imprudence resulting in homicide.--FRJ, GMA News