Buksan din natin ang mga nakasara nating puso para papasukin ang pagpapatawad (Juan 20:19-23).
Ang ating galit, pagkamuhi at sama ng loob sa isang tao ay mistulang lason na nakakaapekto sa ating isip, pang-araw-araw na pamumuhay at maging sa ating katahimikan.
Dahil kapag tayo ay nagkikimkim ng poot laban sa isang tao, wala tayong mararamdamang kapayapaan sa ating sarili. Lagi tayong balisa at aburido sa buhay.
Itinuturo sa atin ngayon ng Mabuting Balita (Juan 20:19-23) ang aral tungkol sa pagbubukas ng pintuan sa ating mga puso para bigyang daan ang reconciliation o pakikipag-kasundo sa mga taong nakaalitan o nagkaaway natin. At nang sa gayun ay magkapatawaran sa anomang bagay na pinagkagalitan natin.
Matapos ang pagkakapako at pagkamatay ng ating Panginoong Hesus sa Krus, nagkubli sa isang bahay ang mga alagad Niya at isinara ang pinto dahil sa takot nila sa mga Judio.
Ngunit nang magpakita sa kanila si Hesus, sinabi Niya sa Kaniyang mga Alagad na: "Sumainyo ang kapayapaan."
Pagkasabi nito, ipinakita ni Kristo ang Kaniyang mga kamay at ang Kaniyang tagiliran." (Juan 20:20).
Maaaring dala ng takot at galit ang nararamdaman ng mga Alagad kaya sila nagtatago sa bahay at isinara ang pintuan nito.
Natatakot sila dahil baka pinaghahanap na rin sila ng mga pinunong Judio sapagkat batid nilang sila ay mga Disipulo ni Hesus. At maaaring nagagalit din sila sa kanilang sarili dahil wala silang nagawa para tulungan ang kanilang Maestro.
Anoman ang saloobin ng mga Alagad noong pagkakataong iyon, ang malinaw sa pangyayari iyon ay binuksan ni Hesus ang kanilang isip at puso habang sila ay nasa loob ng bahay at naliligalig.
Ito ay sa pamamagitan ng kapayapaang ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesus. Sumisimbulo ito ng pagbubukas ng ating mga pintuan para sa pagpapatawad at kapayapaan sa ating puso at isip.
Marahil ay ilan sa atin ang gaya ng mga Disipulo na ikinukulong sa kanilang puso ang galit, sama ng loob at pagkamuhi. Isinasara din natin ang pintuan ng ating mga puso para mapatawad ang mga taong nakasakit sa atin. Mistulang ikinukulong natin ang ating damdamin sa hawla.
Ngunit makakalaya lamang tayo sa hawla kung matututunan nating buksan ang ating mga puso at hahayaang papasukin ang pagpapatawad at pakikipagkasundo sa ating mga nakasamaan ng loob.
Alalahanin natin na ibinigay ni Hesus ang kapayapaan sa Kaniyang mga Alagad sa pamamagitan ng Banal na Espirito nang sabihin ni Niya sa kanila: "Tanggapin niyo ang Espiritu Santo. Kung patatawarin ninyo ang mga kasalanan ninuman ay pinatawad na nga, subalit ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad". (Juan 20:23-23).
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, turuan Mo po kaming buksan ang pintuan ng aming mga puso at hayaang pumasok ang pagpapatawad sa mga taong nakagalit namin. Sa tulong ng Banal na Espirito, nawa'y tuluyan kaming makalaya sa aming mga galit at sama ng loob. AMEN.
--FRJ, GMA News