Pumanaw nitong Biyernes ng umaga ang isa sa mga tinaguriang Jukebox King ng Pilipinas na si Victor Wood sa edad na 74.

Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB, sinabing binawian ng buhay ang batikang mang-aawit sa New Era Hospital.

 

 

Ilang araw na umanong nasa ospital si Victor dahil sa ashma.

Sa hiwalay na ulat ni Lhar Santiago, sinabi ng maybahay ni Victor na si Nerissa, dinala nila sa ospital ang mang-aawit nitong Huwebes dahil sa asthma. 

Lumitaw sa COVID-19 test kinagabihan na positibo siya sa virus at may pneumonia.  

Na-intubate din ang mang-aawit dahil sa bumaba ang kaniyang oxygen level.    

Bahagya umanong bumuti ang kalagayan ni Victor habang nasa ospital pero nitong Biyernes ng umaga ay lumalala hanggang sa tuluyang pumanaw.

Kabilang sa mga sikat na awitin ni Victor ang “Mr. Lonely,” “I’m Sorry My Love,” “Crying Time,” at “Carmelita.” --FRJ, GMA News