Humingi ng paumanhin at inako ng aktres na si Angel Locsin ang responsibilidad sa pagkasawi ng isang 67-anyos na lalaking pumila sa kaniyang community pantry na itinayo sa Quezon City.
Sa Facebook post ng aktres, sinabi niya na inatake at namatay habang nasa pila ng community pantry ang senior citizen.
"Humihingi po ako ng tawad sa pamilya. Kanina po pinuntahan at nakapagusap po kami ng personal ng mga anak nya sa ospital. At habang buhay po ako hihingi ng patawad sa kanila," saad ni Angel sa post.
Base sa police report, kabilang ang nasawi sa mga pumila para makakuha ng mga produktong pagkain na ibibigay ni Angel sa itinayo nitong community pantry sa Holy Spirit Drive corner Don Matias Street sa Quezon City.
Dakong 9 a.m., nang mawalan ng malay ang lalaki at dinala sa East Avenue Medical Center ng ambulansiya ng barangay at pumanaw kinalaunan.
Sa post ni Angel, sinabi nito na nagtitinda ng balut ang lalaki batay sa pakikipag-usap niya sa pamilya nito.
"Hindi ko man po sya nakilala pero sa pagkakakilala ko sa mga anak niya ay mabuti po syang ama at maayos nyang napalaki ang mga anak nya," sabi ni Angel.
Dahil sa nangyari, sinabi ni Angel nagsagawa sila ng ilang pagbabago sa sistema ng community pantry tulad ng paglalagay ng express lane, upuan at mga tent.
Nilinaw din niya na hindi hinihikayat ang mga nakatatanda na lumabas ng bahay alinsunod na rin sa itinatakdang health protocols ng pamahalaan para sa mga senior citizens na itinuturing high risk sa COVID-19.
Idinagdag ni Angel na ang matitira sa kanilang mga ipinapamahagi ay ido-donate na lang nila sa ibang community pantries at sa barangay.
"Ang nangyari po ay akin pong pagkakamali. Sana po’y wag madamay ang ibang community pantries na maganda po ang nangyari," pakiusap ni Angel.
"Sa ngayon po, I will prioritize helping the family and I will make it my responsibility to help them get through this. I am very very sorry." dagdag niya.
Ginawa ni Angel ang naturang community pantry kasabay ng pagdiriwang sa kaniyang kaarawan at hangarin niyang makatulong ngayong panahon ng pandemiya.--FRJ, GMA News