Mas tumatag pa raw ang pananampalataya ni Ate Gay sa Maykapal ngayong gumaling na siya sa pneumonia. Kasabay nito, nilinaw din niyang hindi kaugnay sa COVID-19 ang naging sakit niya.
Sa ulat ni Cata Tibayan sa GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing 26 araw namalagi sa ospital si Ate Gay, o Gil Morales sa totoong buhay, dahil sa pneumonia.
Dulot daw ito ng matinding stress, kung saan nanghina at nagsidikitan ang sakit sa kaniyang katawan.
Bukod dito, nangitim ang kaniyang mga labi at nagbalat pa.
Nilinaw naman ni Ate Gay na hindi ito COVID-19 matapos magnegatibo sa kaniyang RT-PCR result noong Marso 14, saad sa hiwalay na ulat sa "24 Oras."
Sa hirap ng kaniyang pinagdaanan, hindi raw siya pinanghinaan ng loob.
"Ginusto kong mabuhay. 'Yung lips ko, balat 'yan, pinilit kong kumain para mabuhay, at salamat sa champorado, lugaw at sopas," sabi ni Ate Gay.
Madalas namang nakakabiruan ni Ate Gay ang mga nurse na nag-aalaga sa kaniya dahil miss na niyang umarte at magpatawa.
Pero ayon sa kaniya, bukod sa nahirapan siya sa sakit, madalas ding nagbabalat ang kaniyang buong katawan.
"Ang hirap, para akong binuhusan ng mainit na tubig. Sa 10 merong ganito, dalawa lang daw kaming meron. Simula ng pandemya isip ako nang isip eh, mula noong talagang mawalan ako ng work ang dami ko nang sakit na tumubo sa akin kasi nga siguro 'yung katawan ko sanay na meron akong trabaho," sabi ni Ate Gay.
Kaya naman itinuturing pangalawang buhay ni Ate Gay ang kaniyang paggaling.
"Panata ko ngayon hindi na aalis doon sa katawan ko 'yung Bible. May Bible kasi akong maliit, binabasa ko 'yun bago matulog," anang komedyante.
"Masarap mabuhay. Isipin niyo po na gagaling kayo," mensahe ni Ate Gay sa mga tulad niyang nakikipaglaban sa sakit. --Jamil Santos/FRJ, GMA News