Ang sumampalataya kay Hesus ay hindi na magugutom at hindi na mauuhaw (Juan 6:30-35).
Minsan, inaakala ng mga nakaririwasa at maykaya sa buhay na kapag nasa kanila na ang lahat ng kayamanan at ari-arian ay magiging masaya na sila sa buhay.
Pero bagama't nasa kanila na ang lahat ng bagay ay parang kulang pa rin. Nakararamdam pa rin sila ng pagka-gutom at pagka-uhaw sa kanilang mga puso.
Ipinahayag ni Hesus sa Mabuting Balita (Juan 6:30-35) na Siya ang "Tinapay ng Buhay" na kung sinoman ang lalapit sa Kaniya ay hindi na magugutom kailanman. At ang sinomang sumampalataya sa Kaniya ay hindi na mauuhaw kailanman.
Ang akala ng mga taong asensado sa buhay na hindi na nila kailangan ang Panginoong Diyos. Iniisip nila marahil na bakit pa nila kakailanganin ang tulong ng Diyos kung narating na nila ang tugatog ng tagumpay at kasaganahan.
Para sa kanila, kapag nakamtan na ang karangyaan, salapi, kasikatan at masarap na buhay, ay sapat na para masabing nakamit na nila ang kaligayahan sa buhay.
Subalit kadalasan, kung sino pa ang mga taong ubod na ng yaman at nasa tuktok ng tagumpay ay sila pa ang nakakaramdam ng pagka-gutom at pagka-uhaw--sa tunay na kaligayahan ng puso, isipan, at espiritwal.
Sapagkat hindi maibibigay ng mga materyal na bagay ang kaligayahan ng puso at katiwasayan ng isip. Dahil tanging ang Panginoong Diyos lamang ang makakapagbigay nito para matighaw ang pagka-gutom at pagka-uhay ng ating kaluluwa.
Ang kanilang nararamdaman ay taliwas sa sitwasyon ng mga dukha at nahaharap sa pagsubok ng buhay para sa araw-araw nilang pangangailangan. Lagi silang nagdadasal at humihingi ng awa sa Panginoon na sana'y pagkalooban sila ng pagpapala at biyaya upang mairaos nang payapa ang kanilang pangangailangan sa bawat araw.
Ngunit ang mga nakaririwasa, ang laging iniisip at kung papaano pa lalong yayaman. Kaya nakakalimutan na nila ang pangangailangan ng kanilang kaluluwa. Kung tutuusin, hindi naman nila madadala sa kabilang-buhay ang kanilang yaman.
Malinaw na sinabi ni Jesus sa Ebanghelyo na sinoman ang lumapit at sumampalataya sa Kaniya ay hindi na magugutom at mauuhaw. (Juan 6:35).
Darating ang yugto sa ating buhay na mararamdaman natin na tila may kulang sa ating buhay kahit pa kaya naman nating bilhin ang mga bagay na makapagpapasaya sa natin.
Si HesuKristo ang kulang sa ating buhay na ating hinahanap. Gutom at uhaw tayo sa tunay na kaligayahan--hindi para sa ating katawang-lupa kung hindi ng ating kaluluwa at espiritwal.
Ang mga materyal na bagay, salapi, karangyaan at kasikatan ay maglalaho, ngunit hindi kailanman ang pagmamahal ng Panginoon.
Mapapawi lamang ang ating pagka-gutom kung tatanggapin natin si Kristo sa ating buhay at mapapatid lamang ang ating pagka-uhaw kung kikilalanin natin Siya bilang ating tagapagligtas.
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, nagpapasalamat po kami sa pagbibigay ng Iyong buhay sa Krus para kami ay iligtas sa aming mga kasalanan. Nawa'y tanggapin ka ng mga taong naliligaw bilang tinapay ng buhay upang hindi na sila magutom at mauhaw. AMEN.
--FRJ, GMA News