Umaabot umano sa 100 katao bawat araw ang pumupunta sa isang faith healer sa Cuba na machete, martilyo at iba pa ang ginagamit sa "pag-opera."
Sa video ng GMA News Feed, kinilala ang manggamot na si Jorge Goliat, na isang espiritu umano ang nagsabi sa kaniya na gawin ang naturang paraan ng panggagamot.
Walang anesthesia na inilalagay si Jorge sa "pasyente" na kaniyang "ino-operahan."
Sa video, makikitang pinupukpok pa ni Jorge ang machete at maging ang maliit na tila patalim sa paghiwa sa pasyente, na tila kaya namang tiisin kung ano man ang nararamdaman.
Ayon kay Jorge, nasisiyahan naman ang mga tao sa resulta ng kaniyang gamutan na 10 minuto lang ang itinatagal at $0.04 o higit P1 lang ang bayad.
Kahit ang isang doktor, lumapit kay Jorge para hanapan ng lunas ang problema nilang mag-asawa dahil hindi sila magkaanak.
Wala ring aparato na ginagamit si Jorge pero kaya raw niyang alamin ang sakit ng isang tao gamit lang ang kandila at papel.
Pag-amin ng manggagamot, ilang beses na siyang pinuntahan ng mga pulis at nadala sa presinto dahil sa paraan ng kaniyang panggagamot.
Pero hindi naman daw siya sinampahan ng reklamo o nakulong.
Ang ilang eksperto, nagbabala sa panganib ng naturang paraan ng panggagamot dahil hindi sterilized ang mga gamit sa "pag-opera."
Posible raw itong pagmulan ng mga nakahahawa at nakakamatay na sakit tulad ng HIV/AIDS at Hepatitis, at magdulot ng impeksiyon.--FRJ, GMA News