Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaking "Akyat-Bahay" matapos niyang pagnakawan ang dalawang bahay sa isang barangay sa Subic, Zambales. Ang salarin, kumain pa sa isang bahay na pinasok niya.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GTV "State of the Nation" nitong Miyerkoles, sinabing aabot sa P300,000 na halaga ng mga alahas, relo at gadget ang natangay ng salarin sa Barangay Matain.
Batay sa kuha ng CCTV, nasa edad 18 pataas ang suspek na unang nahagip ng camera na walang suot na damit habang tila minamatyagan ang bahay na papasukin.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na sa isang bintana dumaan ang salarin sa pamamagitan ng pagbasag sa salamin nito.
Wala umanong tao sa bahay nang mangyari ang insidente dahil may inaasikaso sa bayan.
Ayon sa may-ari ng bahay, ito ang unang pagkakataon na pinagnakawan sila mula nang matira sa lugar noong 1995.
Bago tumakas ang kawatan, makikitang kinain pa muna nito ang mga pagkain na naiwan sa lamesa.
Nang muli siyang mahagip ng CCTV camera, suot na niya ang damit ng biktima at may dala pang bag na pinaniniwalaang laptop ang laman.
Dahil may nangyari pang nakawan sa barangay, humingi na ng tulong ang mga residente sa mga awtoridad para madakip ang salarin. --FRJ, GMA News