Nagpaalala ang resident doctor ng programang "Pinoy MD" sa kahalagahan ng pag-inom ng gamot kung mataas ang cholesterol level ng isang tao.
Sa isang episode ng "Pinoy MD," may nagtanong kung puwede na bang itigil ang pag-inom ng gamot kung bumaba na ang kaniyang kolesterol.
Ayon kay Dr. Dave Ampil II, kung nagawa ng isang tao na maibaba at gawing normal ang kaniyang kolesterol sa pamamagitan ng diet o pagbabago ng lifestyle, maaaring hindi na kailanganin ang pag-inom ng gamot.
WATCH: Pananakit ng batok, senyales nga ba ng high cholesterol sa katawan?
"Pero kung hindi kaya at nananatiling mataas ang kolesterol, magiging pangmatagalan ang pag-inom ng gamot," ayon sa doktor.
Ngunit paalala ni Dr. Ampil, kailangan pa rin na ikonsulta ng isang pasyente kung dapat o hindi na ang pag-inom ng gamot dahil peligroso ang may mataas na kolesterol.
"Iyan talaga ay isang major risk factor para sa heart attack at stroke," babala niya.
Dagdag pa niya, hindi maaaring basta itigil ang pag-inom ng gamot dahil ibinabatay ng doktor ang dosage nito sa blood cholesterol level .
Tunghayan sa video ang buong pagtalakay sa usapin at alamin kung puwede nga bang mauwi sa sakit sa puso ang goiter at kung peligroso sa cancer ang lumalaking nunal. Panoorin.
--FRJ, GMA News