Nakahanda ka bang talikuran ang lahat para kay Hesus? (Lucas 14:25-33).
KAPAG mayroon tayong minamahal o iniibig tulad halimbawa ng taong nais nating makasama nang habambuhay, ibinibigay natin sa kaniya ang lahat ng oras at atensiyon upang makapiling at mapasiya siya.
Sa tema ng Mabuting Balita (Lucas 14:25-33) na ating mababasa, sinabi ng Panginoong HesuKristo na: "Hindi maaaring maging Alagad ko ang sinumang umiibig sa kaniyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin." (Lucas 14:26-27).
Ngunit hindi naman nais ni Hesus na huwag na nating mahalin ang ating mga magulang, asawa, anak, kapatid at maging sarili natin. Sa halip, ang nais sabihin dito ng ating Panginoon ay kung nais nating sumunod sa Kaniya bilang isang Alagad, at makapaglingkod sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng Salita ng Diyos, kailangan na mas nangingibabaw ang pag-ibig natin sa Panginoong Diyos kaysa sa ating pamilya at maging sa ating mga sarili.
Sapagkat ang pagsunod at paglilingkod kay Hesus ay matatawag na isang "total commitment."
Pinatunayan ito sa Aklat ni San Marcos nang ipahayag ni Kristo sa isang Pariseo na isa sa pinaka-mahalagang utos ay ang ibigin mo ang Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas." (Marcos 12:30).
Ang pagiging isang Alagad ni Hesus ay may kaakibat na sakripisyo. Kaya sinabi Niya na ang hindi magpapasan ng sarili niyang Krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging Alagad ko. (Lucas 14:27).
Ang Krus ay sumisimbulo ng pagtitiis, sakripisyo at wagas na pag-ibig na pinatunayan mismo ni Kristo nang Siya ay ipako at mamatay sa Krus upang tubusin tayo sa ating mga kasalanan.
Hinahamon tayo sa Pagbasa na magiging karapat-dapat lamang tayong maging Alagad ng Diyos kung kaya rin ba nating pasanin ang ating sariling Krus na nangangahulugan ng sakripisyo para sumunod sa Kaniya.
Ito ay sa pamamagitan pagtalikod natin sa kasalanan, kasaganahan ng buhay at pag-iwan sa isang komportableng buhay para maglingkod tulad sa Simbahan, pumasok sa Seminaryo para maging isang pari o madre, o maging isang Laiko upang pagsilbihan Siya.
Muling ipinaalala ni Kristo sa huling bahagi ng Ebanghelyo na hindi maaaring maging Alagad Niya kung hindi natin kayang talikuran ang lahat sa ating buhay. (Lucas 14:33).
Ang pagsunod sa ating Panginoon bilang Alagad ay hindi madali. Sapagkat ang taong susunod sa Kaniya ay maaaring makararanas ng iba't ibang pagsubok, pasakit at pag-uusig tulad ng naranasan ng kaniyang mga naging Disipulo.
Ang pagiging isang Alagad ng Diyos ay hindi katiyakan ng masaganang buhay. Sapagkat hindi ipinangako ng Diyos na ang mga maglilingkod sa Kaniya ay hindi na makararanas ng mga pagsubok.
Sa halip, ang ipinangako Niya sa mga susunod sa Kaniya ay buhay na walang hanggan. At Siya'y makakapiling natin sa Kaniyang Kaharian sa langit.
Tandaan lamang natin na kapag tayo ay dumaranas ng mga pagsubok sa buhay, ito ay pagsubok sa katatagan ng ating pananampalataya.
Manalangin Tayo: Panginoong naming Diyos. Nawa'y maging karapat dapat kami na maging Iyong Alagad sa pamamagitan ng pagtalikod namin sa kasalanan, pagiging makasarili at labis na pagkahumaling sa mga materyal na bagay. Nawa'y tulungan Mo kaming pasanin at kayanin ang aming mga Krus para sumunod sa Iyo. AMEN.
--FRJ, GMA News