Sa edad lang na anim, halos isa't kalahating sako na ng bigas ang bigat ni Arby na 73 kilo. Kaya naman kahit cute siyang tingnan, mayroon na siyang problema sa kalusugan na karaniwang mga matatanda lang ang tinatamaan.
Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," nakilala ang cute na si Arby na mula sa San Juan, Batangas, na kahit sanggol pa lang ay nakita na ang pagiging "malusog."
Pagkagising, ikinuwento ng kaniyang ina na pagkain na agad ang hinahanap ni Arby. At habang kumakain, nagtatanong na siya ng susunod niyang kakainin.
Ang paborito niya ring panooring video, mga tungkol sa pagkain lalo na ang mga "mukbang" videos.
Batay sa pamantayan ng World Health Organization, ang mga batang edad anim ay dapat nasa 20 kilo lamang. Pero si Arby, 73 kilo na kaya isa siyang "obese."
Dahil na rin sa kaniyang katabaan, mainit ang kaniyang pakiramdam kaya anim na beses siya kung paliguan sa loob ng isang araw.
Lagi ring nakatutok sa kaniya ang electric fan.
Kung sagad na talaga ang nararamdamang init, pupunta si Arby sa barangay hall na may aircon upang doon magpalamig.
Ang ina ni Arby, nag-aalala sa kalagayan ng anak dahil napapansin niya na kung minsan nahihirapan ang anak kapag humihinga.
Madali ring mapagod ang bata at hindi makalakad nang malayo dahil madaling sumakit ang tuhod.
Nang suriin ang dugo ni Arby, doon na nakita ang ilang problema niya sa kalusugan tulad ng mataas na sugar level, mataas na cholesterol, may problema sa paggana ng atay at thyroid, at may metabolic syndrome na karaniwan sa mga matatanda.
Kaya ang rekomendasyon ng mga duktor, kailangan ni Arby na magbawas ng timbang sa pamamagitan ng bawas sa pagkain at mag-ehersisyo.
Pumayag naman kasi Arby? Panoorin ang kuwento ni Arby na kabilang sa tumataas na bilang ng mga batang obese na posible raw na lumama ngayong panahon ng pandemic. --FRJ, GMA News