Nanindigan ang kontrobersiyal na barangay official sa San Jose Del Monte, Bulacan sa desisyon niyang huwag payagang dumaan ang delivery rider na maghahatid ng lugaw. Bukod dito, hindi rin daw totoo na sinibak siya sa trabaho.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Phez Raymundo ng Barangay Muzon, na sinunod lang niya ang kanilang patakaran sa barangay patungkol sa curfew kaya dapat sarado na ang tindahan ng lugar.
Nakasaad sa ordinansa na: "Ang mga negosyo na may kinalaman sa pagkain.. ay maaaring nakapag-operate ng kanilang negosyo mula 5 ng umaga hanggang 6:00 ng hapon."
WATCH: 'Lugaw' incident sa checkpoint, ginaya ni Ashley Rivera
Sa nag-viral na video, iginiit ni Raymundo na hindi "essential" ang lugaw kahit pa isa itong uri ng pagkain.
Inihayag naman ng Palasyo na essential ang food delivery na dapat payagan kahit may umiiral na enhanced community quarantine.
Sabi pa ni Raymundo, deactivated na kaniyang social media account kaya mga peke ang mga nakikitang accounts na patungkol sa kaniya.
Hindi raw sa kaniya galing ang mga lumalabas na pahayag at hindi rin totoo na tinanggal na siya sa trabaho.
Ang ibang opisyal ng barangay sa Muzon, naniniwala na dapat na payagang mag-operate ng 24 oras ang mga essential services tulad ng mga pagkain.
Sinabi rin sa ulat ng inihahanda ng barangay ang isasagot nila sa Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa insidente.--FRJ, GMA News