Pitong-taong-gulang pa lang noon si Marlon Fuentes nang una niyang mapansin na may mga paggalaw sa kaniyang katawan na kusang nangyayari. Hanggang sa may mapanood siya na may katulad niyang kalagayan at doon niya natuklasan na mayroon siyang Tourette Syndrome.
Ang Tourette Syndrome ay kusang paggalaw ng bahagi ng katawan at mukha na mahirap pigilan. Sa kabila nito, sinisikap pa rin niyang mamuhay ng normal.
Katunayan, driver ngayon ng TNVS si Marlon.
Pero dahil sa kaniyang kondisyon, nagkakaroon siya ng mga paggalaw habang nagmamaneho. Bagay na nagdudulot ng pangamba sa ibang pasahero at pinipili na lamang bumaba agad.
Pag-amin ni Marlon, may nararamdaman siyang "kurot" o sakit sa damdamin kapag nagdududa ang ibang pasahero sa kakayanan niyang gampanan ang kaniyang trabaho nang maayos.
Paliwanag niya, kahit minsan ay hindi pa naman siya naaksidente at pinapahalagahan niya, hindi lang ang kaniyang buhay, kung hindi maging ang buhay ng kaniyang mga pasahero.
Ang ibang pasahero naman na nakakaunawa sa kaniyang kalagayan at nagtitiwala sa kaniya, kasiyahan umano ang idinudulot sa kaniya.
Upang maipakita at mabigyan ng edukasyon ang publiko tungkol sa kaniyang kondisyon at para na rin sa iba pang may Tourette Syndrome, gumawa ng vlog si Marlon na magpapakita ng kaniyang mga gawain.
--FRJ, GMA News