Ikinagulat ng mga kawani ng isang veterinarian clinic sa Karabaglar, Turkey ang kakaiba nilang kliyente--isang ina na pusang-gala.
Sa ulat ng Reuters, sinabing pumasok sa klinika ang pusa na bitbit ang kaniyang kuting.
Hindi raw malaman ng mga beterinaryo ang gagawin sa mag-inang pusa. At tila mayroon daw nais na sabihin nang mag-meow nang paulit-ulit.
Kasunod nito ay iniwan niya ang kuting at umalis.
Pero nang bumalik, may bitbit na uli siyang kuting.
Sinuri ng mga beterinaryo ang mga kuting at nakita nilang mayroong impeksiyon sa mata ang mga ito kaya agad nilang ginamot.
Inalagaan na rin ang mag-iinang pusa at isasailalim sa adoption kapag lubos nang gumaling ang mga kuting. --Reuters/FRJ, GMA News