Hindi dapat balewalain ang anomang problema o kakaibang nararamdaman sa mata. Tulad nang nangyari sa mata ng isang ginang na namaga at lumabo matapos nasiko ng kaniyang anak.
Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ni Kim Facun-Derama na hindi niya ininda noon ang pagkasiko ng anak sa kaniyang mata. Pero kinalaunan ay mamaga ito at mamula.
Nang magpa-CT scan, lumabas na nagkaroon si Kim ng tinatawag na "fistula."
Sinabi ng ophthalmologist na si Dr. Andrei Martin na ang fistula ang abnormal na komunikasyon ng ugat na dumadaloy sa vein outlet ng mata.
"Kapag nangyari ito, nagkakaroon ng compression o may mga istraktura sa likod ng mata na naiipit, nawawalan ng supply ng oxygen, naiipit sila at nagkakaroon tayo ng sintomas," sabi ni Dr. Martin.
Dagdag ni Dr. Martin, isa sa mga isktrakturang naiipit sa pistula ang optic nerve na nasa likod ng mata, kung saan nawawalan ito ng blood flow o nutrients.
"Parang blurred na siya talaga, wala na siyang ma-recognize na color," sabi ni Kim tungkol sa kalagayan ngayon ng kanan niyang mata.
Si Metz Bebero naman na kinagat ng langgam ang mata, nagkaroon na pala ng subconjunctival hemorrhage o pagputok ng ugat sa mata.
Alamin sa "Pinoy MD" ang proseso ng coil embolization para magamot ang fistula, pati ang ilang paraan para mapangalagaan ang mata.
May babala rin ang duktor tungkol sa epekto sa mata ng pagbubuhat ng sobrang mabibigay na bagay at maging ang labis na pag-iri. Panoorin ang video. --FRJ, GMA News