Isa na namang pinaniniwalaang insidente ng "hate crime" sa mga dugong Asyano ang nangyari sa subway ng New York sa Amerika. Noong nakaraang buwan lang, isang Pinoy ang inatake rin at hiniwa pa sa mukha sa subway.

Sa Twitter account ng "NYPD Hate Crimes," nire-tweet nila ang video post ng "Asian Dawn," na nahuli-cam ang nangyaring pag-atake ng isang "black" man sa biktimang mukhang Asyano.

"We need the public's help. The NYPD is aware of this video and is investigating. Anyone that has information regarding this incident is urged to call or DM," ayon sa post ng NY police.

 

 

Nangyari ang pag-atake sa loob ng tren at mayroong ibang sakay na pasahero.

Pero walang tumulong sa biktima.

Sa video, makikita ang biktima na nagtangkang labanan ang salarin pero mas malaki ito at mas malakas sa kaniya.

Ilang beses pinagsusuntok ng salarin ang biktima hanggang sa mapatumba sa upuan. Itinayo pa siya ng salarin at saka sinakal.

Binitawan lang ng salarin ang biktima nang mawalan ng malay ang huli.

Nakatakas ang salarin.

Noong nakaraang Pebrero, isang Pinoy din ang ginulpi sa subway at nilaslas pa ang kaniyang mukha.

Halos 100 tahi ang kinailangang gawin sa mukha ng biktima.

Isang Fil-Am naman sa San Francisco ang nawalan ng malay matapos gulpihin nang walang dahilan.

Dahil sa sunod-sunod na pananakit at pagbibitiw ng masasamang salita sa mga may dugong Asyano sa Amerika, pinaigting ng mga awtoridad ang kanilang seguridad para mapigilan ang Asian hate crime at madakip ang mga gumagawa nito.

Sa Twitter account na NYPD Hate Crime, ipino-post ang mga larawan ng mga sangkot sa pananakit at pagmumura sa mga Asyano.

 

 

--FRJ, GMA News