Pumanaw na ang Original Filipino Music (OPM) icon na si Claire dela Fuente nitong Martes sa edad 63, ayon sa anak niyang si Gregorio de Guzman.
"Unfortunately my mom passed away this morning from cardiac arrest brought about by stress kasi po na-diagnosed po siya ng COVID. She was already diagnosed noong Friday," ani Gregorio sa panayam ng Super Radyo dzBB.
Ayon kay Gregorio, inirekomenda ng mga doktor na manatili sa ospital ang kaniyang ina para sa monitoring. Maayos pa raw ang pakiramdam nito ilang araw matapos malaman ang resulta ng kaniyang COVID-19 test.
"Until last night when her anxiety kicked in, and it got the best of her po," sabi ni Gregorio.
Kasabay nito, inihayag din ni Gregorio na pareho silang nagpositibo ng kaniyang ina sa COVID-19 bagama't siya ay asymptomatic o walang nararamdamang sintomas.
"Asymptomatic po ako kaya nag-lock in po ako dito sa kuwarto ko. Meanwhile, siya po ni-recommend ng doctors na pumunta sa ospital the next day para ma-monitor ng doctors," aniya.
"Hindi niya po sinasabi sa akin ang tunay niyang kondisyon. Pero ang last po naming pag-uusap, nagpabili siya sa akin ng pagkain, nagalit pa ako kasi hindi niya sa akin sinabi na pupunta siya ng ospital," kuwento pa ni Gregorio.
Unang sinabi raw ni Claire kay Gregorio na nasa Las Piñas Doctors Hospital siya pero lumipat daw ito sa ibang ospital nitong Lunes.
"Ayaw nga niya akong kausapin because medyo naka-mask na ata siya at nahihirapan nang huminga ng konti. Pina-relax ko na lang siya," ani Gregorio.
Tinaguriang “Karen Carpenter of the Philippines,” kilala si Claire dela Fuente sa kaniyang jukebox hit na "Sayang," pati na rin ang "Minsan-Minsan" at "Nakaw Na Pag-ibig." —KBK, GMA News