Kilala ang Romblon sa likas-yaman nitong marmol. Pero lingid sa kaalaman ng marami, hitik din sa ganda at misteryo ang lalawigan na magandang tuklasin lalo na ang isla ng Sibuyan.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing maraming adventure ang puwedeng gawin ang mga turista sa Sibuyan Island.

Ang mga mahilig umakyat ng bundok, masusubok ang kanilang tibay sa maalamat na Mt. Guiting-guiting, na isa sa mga pinakamataas na bundok sa Pilipinas.

Pinaniniwalaan din na may misteryong nangyayari sa karagatan ng lalawigan na kung tawagin ay "Romblon Triangle" kaya nagkakaroon ng malalagim na trahediya.

Kabilang na dito ang paglubog ng ilang pampasaherong barko na dahilan ng pagkamatay ng marami tulad nang nangyari MV/Dona Paz at MV Princess of the Star.

Ngunit ang mga pangamba, maglalaho naman kapag nakita na ang naggandahang isla sa Sibuyan tulad ng Isla Cresta de Gallo, na isang mag-asawa lang ang nakatira.

Bukod sa isla, sinasabing misteryoso rin ang Cantingas river na ginawa na ngayong resort.

Sinasabing sa naturang ilog na karugtong ng dagat nagtutungo ang umano'y nagpapakitang "gintong barko" na galing sa dagat.

Dahil sa liwanag daw na nililkha ng "gintong barko," sinusundan umano ito ng ibang karaniwang barko, na bigla lang sumasadsad sa mababaw na bahagi ng dagat. Pero ang "gintong barko," nagtutuloy-tuloy umano sa paglalayag hanggang sa maglaho na lang sa ilog.

Dahil magubat din sa ilog, pinaniniwalaan din na may mga nilalang na namamahay dito. Katunayan, mayroon umanong misteryosong kamay na nahagip sa go-pro camera na unang nawala pero nahanap din pagkalipas ng isang.

Panoorin ang buong kuwento tungkol sa Sibuyan, Romblong sa video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA News