Dahil sa pag-iingay umano gamit ang karaoke, isang pamilya ang inireklamo ng kanilang kapitbahay sa barangay. Bukod sa kinumpiska ang kanilang makina, sinisingil pa sila ng halos P1.5 milyon bilang danyos dahil daw sa nawalang oportunidad sa negosyo ng kapitbahay. May basehan ba ang naturang reklamo?
Sa "Sumbungan ng Bayan," inilahad ni Janice Santianes Sicat na kaarawan ng kaniyang biyenan noong Pebrero 22 kaya nag-videoke ang pamilya nito. Pero dalawang beses na nakiusap ang kanilang kapitbahay na hinaan lamang dahil sa ginagawa umanong online job.
Naulit ang pag-videoke ng pamilya ng biyenan ni Janice kinabukasan kaya isinumbong na sila sa barangay at kinumpiska ang videoke.
Nang magkausap sa barangay, nalaman ng biyenan ni Janice na kailangan din nilang magbayad ng $30,000 o halos P1.5 milyon dahil sa nawala umanong deal ng kapitbahay dahil sa maingay daw nilang pagbi-videoke.
Ayon kay Atty. Joseph Cerezo, kaduda-duda ang ginawang pagpapakuha ng kapitbahay sa kanilang videoke sa barangay.
Bukod dito, tila wala ring basehan ang sinisingil na $30,000 na danyos dahil kailangan ng direktang ebidensiya na may koneksiyon ang pagkawala ng business deal ng kapitbahay sa maingay na pag-videoke ng pamilyang inirereklamo.
Para naman kay Atty. Kristjan Vicente Gargantiel, posibleng nahaharap ang biyenan ni Janice sa reklamong alarms and scandal, pero isang buwan lamang na arresto menor ang penalty dito.
Dagdag ni Atty. Gargantiel, dadaan muna dapat sa lupon ng barangay ang reklamo at hindi maaaring diretsong isampa sa korte. Kailangan daw munang maglabas ang barangay ng certification to file action.
Kung wala nito, hindi maaaring magdemanda ang kapitbahay.
Sakali mang totohanin ng kapitbahay ang pag-claim ng actual damages, kailangan nilang patunayan na may natuloy na transaksiyon na $30,000 pero nawala dahil sa ingay ng videoke machine.
Panoorin ang buong talakayan sa video sa itaas.
--FRJ, GMA News