Sa isang barangay sa Taal, Batangas, ilang kababaihan ang nagtitipon-tipon sa harapan ng isang nasirang pader para magdasal. Ang kanilang inaalayan ng dasal, ang imahen ng Poong Nazareno na lumitaw daw sa pader.
Ayon sa may-ari ng pader sa Barangay Bolbok, nasira daw ito nang mabangga ng trak ilan taon na ang nakalilipas.
Si Mang Jovito naman daw ang unang nakapansin sa imahen ng Nazareno noong 2019.
Makikita sa pader ang mga nakasabit na rosaryo at nilagyan din ng koronang tinik na gawa sa barbed wire ang bahagi ng pader na makikita ang imahen.
Ang "korona" ay hiniling daw mismo ng Nazareno nang sumanib daw ito sa isang matandang manggagamot.
Paniwala ng ilang residente, pinoprotektahan sila ng imahen mula sa mga sakuna at pagkagutom lalo na ngayong may pandemya.
Mayroon din umanong mga nagdasal sa imahen na gumaling sa kanilang karamdaman.
May himala nga bang nangyayari sa nasirang pader o isa lang itong kaso ng tinatawag na "pareidolia" kung saan nakakakita ng hugis ang paningin mula sa isang bagay tulad ng ulap?
Panoorin ang ulat na ito ni Kara David sa "Brigada."
--FRJ, GMA News