Sa edad na 23-anyos, inamin ng isang lalaki na hindi pa siya natutuli. Bukod sa takot, inihayag niya ang kaniyang lihim tungkol sa kondisyon ng kaniyang ari na "phimosis."

Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni "Jun," hindi niya tunay na pangalan, na niyaya siya noon ng kaniyang mga kababata na magpatuli pero hindi siya sumabay hanggang sa inabot na siya ng 23-anyos.

Kaya naman pakiramdam ni Jun ay kulang ang kaniyang pagiging lalaki dahil hindi pa siya natutuli.

Pag-amin ng binata, may kondisyon ang kaniyang ari na kung tawagin ay phimosis kaya hirap at natatakot siyang magpatuli.

"Hindi ako tinatanggap magpatuli noon kasi nga hindi pa po ako tagpos. 'Yung skin niya dumidikit pa po sa ari at saka hindi pa po naibababa. Matigas na po 'yung skin niya," anang binata.

Bukod sa posibilidad ng pagkaimpeksiyon, wala ring budget si Jun para magpatuli dahil hindi magagawa sa karaniwang tuli ang mga ari na may phimosis.

Ngunit kung bibigyan ng pagkakataon, magpatuli pa kaya si Jun? At alin nga ba sa mga paniniwala ang totoo at hindi tulad ng nakakapagpatangkad nga ba ang tuli at bawal makita ng babae ang ari na bagong tuli para hindi "mangamatis?"

Panoorin ang usaping tuli at kondisyon na phimosis sa ari sa video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA News