Taong 2012 nang mapulot ni Randy sa dalampasigan ng General Santos City ang isang maliit na tila bilog na bato. At ngayong mahirap ang buhay dulot ng pandemic, nabuhayan ng loob si Randy nang makita niya sa internet ang video tungkol isang uri ng perlas na aabot sa P13 milyon ang halaga na kahawig ng iniingatan niyang bato.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabi ni Randy, isang tricycle driver, na mistulang suwerte rin sa kaniya ang bilog na bato na kasinglaki lang ng itlog ng pugo at may bigat ng 15 hanggang 20 grams.
Iningatan ni Randy ang naturang bato na kaniyang inilagay sa maliit na pitaka mula nang mapulot niya ito dahil sa paniwang may dala itong suwerte sa kaniya.
At dahil nga sa mahirap ang buhay ngayon, nagkaroon ng pag-asa si Randy na makaahon sila sa hirap nang mapanood niya sa video ang tungkol sa pambihirang Melo melo pearl na mula sa isang uri ng suso na tinatayang aabot daw sa P13 milyon ang halaga.
Kahawig daw kasi ng Melo melo pearl ang munting bato na iniingat-ingatan ni Randy.
Sa tulong ng "KMJS" team, ipinasuri sa eksperto ang bato na hawak ni Randy upang alamin kung isa nga itong perlas, at kung Melo melo pearl nga ba ito? Maging isang milyonaryo na kaya si Randy? Tunghayan ang kasagutan sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News