Idineklara ni Manila Mayor Isko Moreno na bawal muna ang lahat ng mga aktibidad patungkol sa darating na Semana Santa bilang pag-iingat sa pagdami ng COVID-19 sa lungsod.
"Yung nagpapalo sa likod, nagbubuhat ng krus na naggi-generate ng mga tao, yung Visita Iglesia, wala rin 'yan," sabi ng alkalde sa panayam ng Super Radyo dzBB.
Sa isang pahayag, sinabi ng alkalde na hindi niya nais sumugal sa isa na namang pagkakataon na maaaring maglagay sa kapamahakan ng mga tao.
"Patawarin niyo po muna ako, ngunit kailangan po nating gawin ito. Hanggang hindi po natin napapababang muli ang mga kaso ng COVID-19 sa ating lungsod ay hindi muna tayo magpapahintulot ng anumang aktibidad," saad ni Moreno.
Hinikayat niya ang mga tao na sa bahay na lang muna magdasal at humingi ng awa sa Diyos na matapos na sana ang pandemya.
Sa pag-uulat ni Moreno sa mga ManileƱo, sinabi niya na may 356 na bagong mga kaso ng COVID-19 sa Maynila para umakyat sa 2,155 ang kanilang aktibong kaso.
Umabot naman sa 847 ang nasawi matapos madagdagan ng tatlo. Ang mga gumaling, nadagdagan ng 297 para sa kabuuang bilang na 29, 585.
Ayon pa kay Moreno, 93 percent na ang nagamit nila sa quarantine facilities kaya posibleng hindi na nila matanggap ang mga pasyenteng may COVID-19 pero walang sintomas.
Isasailalim naman sa lockdown ang mga barangay na 107, 147, 256, 262, 297, 350, 385, 513, 519, 624, 696, at 831.
Street lockdown naman ang gagawin sa Kusang Loob St. sa Sta. Cruz sa Brgy. 353, at ang gusali ng NYK Fil-Ship Management Bldg. sa Brgy. 658.
Magsisimula ang lockdown sa Lunes na tatagal hanggang sa Huwebes.
Hinikayat niya ang mga nakatira sa mga lugar na ila-lockdown na makiisa at tiniyak din ng alkalde na magkakaloob ng tulong ang lungsod para kanilang pagkain.
Sinabi ni Moreno na mabigat sa kalooban niya ang magpatupad ng lockdown pero kailangan niyang gawin para maprotektahan ang ibang komunidad.
"Kaya maasim man ang suka'y kailangan kong inumin. Kailangan nating gawin para maproteksyonan pa ang higit na nakararami," anang alkalde.--FRJ, GMA News