Nakapagtala ng panibagong record-high na 7,103 COVID-19 cases ang Pilipinas ngayong Biyernes. Bukod pa diyan, mayroon pang limang laboratoryo na nabigong makapagsumite ng kanilang datos.
Sa impormasyon mula sa Department of Health (DOH), sinabing 648,066 na ang kabuang COVID-19 infections sa bansa. Sa naturang bilang 561,902 ang gumaling matapos na madagdagan ng 390.
Sumampa naman sa 73,264 ang active cases o mga ginagamot at nagpapagaling na pasyente.
Sa naturang bilang 93.9 percent ang "mild" ang kaso, 3.3 percent ang "asymptomatic,| 1.1 percent are ang "severe", at 1 percent ang nasa "critical condition."
Umabot na sa 12,900 ang kabuuang bilang ng mga nasawi, makaraang madagdagan ng 13.
Agosto 10, 2020 nang maitala ang dating record high na 6,958 COVID-19 cases sa isang araw.
Iminungkahi naman ng mga eksperto mula sa OCTA Research group na ikonsidera ng mga alkalde sa Metro Manila na magpatupad ng mas mahigpit na quarantine measures kung magpapatuloy pa ang pagtaas ng COVID-19 cases sa loob ng dalawang linggo.
Karamihan sa naitatalang mga bagong kaso ng COVID-19 ay nagmumula sa Metro Manila.—FRJ, GMA News