Magtiwala tayo sa Diyos para mapabuti ang ating buhay tulad ni San Jose (Mateo 1:18-21).
SA dasal na Ama Namin, inuusal natin ang mga katagang "Sundin ang Kalooban Mo," na ang ibig sabihin ay nagpapaubaya tayo sa kagustuhan ng ating Amang nasa Langit."
Hindi ang kagustuhan natin ang ating nasusunod. Sa halip, ipinagkakatiwala natin sa kapangyarihan ng Diyos Ama ang lahat ng mga bagay na gagawin at iisipin natin.
Sa ating Mabuting Balita (Mateo 1:18-21), mababasa natin na nagpaubaya at nagtiwala si San Jose, ang tumayong Amain ni Hesus, sa kagustuhan ng Panginoong Diyos.
Ito ay matapos siyang sabihan ng Anghel ng Panginoon na huwag siyang matakot na pakasalan ang noo'y nagdadalantao na si Maria sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Balak sanang hiwalayan nang palihim ni Jose si Maria dahil ayaw niya itong malagay sa kahihiyan. Sapagkat mahigpit na ipinagbabawal sa batas ng mga Judio ang pagbubuntis ng sinumang babae na walang asawa. Ang kaparusahang nauukol para dito ay babatuhin sa hanggang sa mamatay.
Nagpaubaya at nagtiwala si San Jose sa kagutuhan ng Diyos kaya naman siya ay pinagpala. Isinang-tabi niya ang kaniyang personal na plano sa buhay.
Walang masamang hangarin ang Diyos kundi ang mga bagay na ikabubuti natin, at walang ibang layunin ang ating Amang nasa Langit kundi ang kagalingan ng sangkatauhan.
Sa Kapistahan ni San Jose, Patron ng mga Ama sa darating na Marso 19. Pinapa-alaala sa atin ng Pagbasa na kapag tayo ay nagtiwala at sumunod sa kalooban ng Diyos; katulad ng ginawa ni San Jose, tiyak na magiging mabuti ang ating patutunguhan.
Minsan, nakagagawa din ako ng mga maling desisyon sa buhay. Ito'y dahil mas nagtiwala ako sa aking sariling kakayahan sa halip na ang pagkatiwalaan ko ay ang Panginoong Diyos.
Hindi naman masamang magdesisyon para sa ating sarili, subalit may mga pagkakataon na hindi na tayo nakakapag-isip. Kung minsan, kung ano na lamang ang maisipan at magustuhan natin ay iyon ang ating ginagawa dahil sa katwiran na, "Buhay ko naman ito."
Ngunit kinalaunan ang nagiging resulta nito ay mali. Doon na tayo natatauhan na sablay pala ang ginawa nating desisyon.
Walang taong perpekto. Maaring maging tama at may posibilidad din na maging mali ang ating desisyon. Magiging tama lamang ang ating pagpapasya sa buhay kung hihingin natin ang tulong ng Panginoong Diyos at magtitiwala sa Kaniyang magiging kalooban.
Kung minsan, may mga pangyayaring tinatawag na "divine intervention." At marami sa ating ang humiling din nito sa pagkakataon alam natin na ang tanging Diyos na lamang ang pag-asa.
Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na kagaya ni San Jose, magtiwala tayo sa Diyos dahil tanging kabutihan lamang ang hangad ng Panginoon para sa atin.
Manalangin tayo: Mahal naming Panginoon, tulungan Niyo po kaming magtiwala sa Inyong kapangyarihan upang ang aming buhay ay mapabuti. Amen.
--FRJ, GMA News