Kilala sa pagtuturo ng "volumatic," "opening remarks" at "fading of the voice" sa kaniyang music tutorials, talagang kinagiliwan ng netizens si Teacher Dan o DanVibes sa kaniyang mga video. Sino nga ba si Teacher Dan?
Sa espesyal na ulat ni Aubrey Carampel sa "Brigada," sinabing MAPEH teacher si Danieca Goc-ong sa isang pribadong eskuwelahan, at nagtuturo sa mga bata sa kanilang lugar kapag wala siyang pasok.
Pero nang matapos ang kaniyang kontrata sa paaralan, hindi na siya nakapag-apply muli dulot na rin ng COVID-19 pandemic.
Nang magkaroon ng pandemya, ibinahagi ni Teacher Dan ang kaniyang mga nakakatuwang video para maghatid ng good vibes sa mga gurong kagaya niya.
Ilan pa sa mga ginagamit na termino ni Teacher Dan para magturo ng kanta ang "increasing degrees" at "drop of the voice."
"Ini-internalize ko 'yung lyrics, 'yung kanta, what is the meaning and then right after, meron nang externalization, lumabas siya," sabi ni Teacher Dan.
Ayon kay Teacher Dan, hinahaluan niya minsan ng mga nakatutuwang salita ang kaniyang pagtuturo para mas madaling matandaan ng mga batang mag-aaral.
Sa likod ng pagiging viral, natagpuan ni Teacher Dan ang kaniyang pag-ibig nang minsang ma-hack ang kaniyang Facebook account.
Alamin ang kuwento ng kaniyang buhay sa video na ito ng "Brigada." --FRJ, GMA News