Dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, nanawagan din si "Wowowin-Tutok To Win" host Willie Revillame sa mga manonood na makinig, sumunod at disiplinahin ang sarili para malabanan ang pandemic.
Nanghihinayang si Kuya Wil dahil sa nakalipas na ilang linggo ay napababa na ang mga bagong kaso ng COVID-19 pero bigla na naman itong dumami na umabot sa mahigit 5,000 sa isang araw.
Paalala niya, napupuno na naman ang mga ospital ng mga pasyente kaya dapat sumunod ang mga tao sa ipinatutupad na health protocols, pati na sa curfew hours sa Metro Manila.
Dapat umanong alalahanin ng publiko ang peligro sa virus na maaaring maiuwi ng isang taong lalabas ng bahay at hindi sumunod sa health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield.
"Pag-uwi mo mayroon kang bunsong anak, yung asawa mo. di ba? Nag-aaral yung anak mo nangangarap para sa'yo tapos hahawahan mo, papaano na ang kinabukasan ng pamilya mo?," pahayag niya.
"Alam n'yo kung ano ang solusyon dito? Makinig, huwag matigas ang ulo, disiplinahin n'yo sarili n'yo," dagdag pa niya. --FRJ, GMA News