Isang dating overseas Filipino worker na naninirahan na ngayon sa Mandaue Cebu ang nakaimbento raw ng aparato upang mapatakbo ang motorsiklo gamit lang ang tubig sa halip na gasolina.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabi ni Marcelo, dating mekaniko sa Saudi Arabia na isang kaibigan niya ang nagbigay sa kaniya ng libro na galing sa Libya tungkol sa "water fuel."
Isang dekada raw pinag-aralan ni Marcelo ang naturang proseso at ipinagpatuloy niya ito nang umuwi siya ng bansa noong 2011.
At nito lang nakaraang buwan, naperpekto raw ni Marcelo ang aparato upang paghiwalayin ang hydrogen at oxygen sa tubig upang mapatakbo ang motorsiklo gamit lang ang tubig.
Pero hindi pangkaraniwang tubig mula sa gripo ang kailangan gamitin sa aparato ni Marcelo kung hindi distilled water na nagkakahalaga ng nasa P30 ang 700ml na bote.
Ang 700ml, kaya na raw tumakbo nang hanggang 80 kilometro, mas mura sa tinatayang P150 na gagastusin sa gasolina sa kaparehong distansiya.
Ang Department of Science and Techology sa rehiyon, sinabing dati na silang nakakadinig ng naturang tubig na nagagamit bilang pampaandar sa sasakyan.
Gayunman, hanggang ngayon ay wala pa rin daw silang nakikitang patunay na puwede nga talagang umandar ang isang sasakyan sa pamamagitan ng tubig nang walang ibang suporta mula sa gasolina.
Para naman patunayan ni Marcelo na totoo ang kaniyang naimbento, papaandarin niya ang kaniyang motorsiklo sa harap mismo ng kinatawan ng DOST. Mapabilib kaya niya ang mga taga-DOST? Tunghayan sa video na ito.
--FRJ, GMA News