Sinampahan ng iba't ibang reklamo ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 11 katao kaugnay sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera. Kabilang sa mga kinasuhan ang mga kaibigan ng biktima.
Reklamong obstruction of justice ang isinampa ng NBI sa Department of Justice (DOJ) laban sa mga kasama ni Dacera sa isang hotel sa Makati para magdiwang ng bagong taon.
Kinabibilangan ito nina Mark Anthony Rosales, Rommel Galido, John Pascual dela Serna III, Gregorio Angelo Rafael de Guzman, Jezreel Rapinan, Alain Chen, Reymar Englis at Darwin Joseph Macalla. Kasama rin sa reklamo si Atty. Neptali Maroto.
Sinampahan din ng reklamo para sa reckless imprudence resulting in homicide sina Rapinan, Chen, De Lima at dela Serna.
Inakusahan si Rosales patungkol sa ilegal na droga. Samantalang kinasuhan din sina Galido at Rosales dahil sa umano'y tangka nilang ipamahagi ang droga.
Bukod pa rito ang reklamong perjury laban kina Dela Serna, Galido at Macalla.
Kinasuhan naman ng falsification of an official document by a public officer si Southern Police District medico-legal officer Michael Nick Sarmiento, na nag-utos na embalsamohin si Dacera kahit hindi ipinaalam sa pamilya ng biktima.
Ilan sa mga kaibigan ni Dacera ang kinasuhan ng pulisya ng rape with homicide sa Makati City Prosecutor’s Office.
Nitong nakaraang Enero 1 nang makita na hindi na gumagalaw ang 23-anyos na si Dacera matapos magdiwang ng bagong taon sa hotel kasama ang ilang kaibigan.
Hinihinala ng kaniyang pamilya na pinagsamantalahan at pinagamit ng droga ang dalaga, bagay na itinanggi naman ng kaniyang mga kaibigan.
Sa medico legal report ng Philippine National Police Crime Laboratory, lumilitaw na ruptured aortic aneurysm ang dahilan ng pagkamatay ni Dacera dahil sa mataas na blood pressure. --FRJ, GMA News