Kung mahal mo ang Diyos kailangan mo rin mahalin ang iyong kapuwa (Marcos 12:28-34).

Marami sa atin ang hindi kabisado ang Sampung Utos ng Diyos. Kaya marami rin ang nahuhulog sa kasalanan. Pero may dalawang utos ang Panginoon na kapag ating ginawa ay magagawa na natin ang Sampung Utos.

Sa ating Mabuting Balita (Marcos 12:28-34), narinig ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahusay ang pagkakasagot ni Hesus sa mga Saduseo kaya siya naman ang lumapit para magtanong.

Tinanong niya kay Hesus kung alin ba ang pinaka-mahalagang utos? At sinagot siya ng Panginoon tungkol sa dalawang mahalagang utos na kailangan gawin ng tao at wala nang maaaring humigit pa rito.

Winika sa kaniya ni Kristo na ang dalawang mahalagang utos ay ang: Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas. (Mk. 12:30)

At ang pangalawa naman ay: Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. (Mk. 12:31)

Ang dalawang utos na binanggit ni Hesus sa tagapagturo ng Kautusan ay kabuuan ng Sampung Utos dahil ang lahat ng nakasaad rito ay pinaikli na lamang sa dalawang utos na winika ni Kristo.

Ang iba pang Utos gaya ng huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw at huwag mong pagnasaang maangkin ang pag-aari ng iba.

Kung tunay na mahal mo ang Diyos, hindi mo magagawang makiapid o mangalunya; kung tunay at wagas ang pag-ibig mo sa Diyos, hindi ka papatay ng iyong kapuwa.

Kung mahal mo naman ang iyong kapuwa, hindi mo rin magagawang saktan siya o patayin; at kung iniibig mo ang iyong kapuwa ay hindi mo magagawang pagnakawan siya.

Pero kung sinasabi natin na mahal natin ang Diyos ngunit hindi natin magawang mahalin ang ating kapuwa, nagsisinungaling tayo sa ating sarili.

Papaano mong iibigin ang Panginoong Diyos na hindi mo nakikita, gayong nasa harapan mo ang iyong kapatid o kapuwa na hindi mo magawang ibigin? (1 Juan 4:20-21).

Papaano natin sasabihing iniibig natin ang Diyos kung sinasaktan natin ang ating kapuwa? Sapagkat kung sinasaktan natin ang ating kapuwa ay parang kay Hesus na rin natin ito ginawa.

Papaano natin sasabihing mahal at iniibig natin ang ating Panginoon kung nagbubulag-bulagan tayo sa mga taong nangangailangan ng tulong o  mga naghihirap?

Ang tunay at totoong umiibig sa Diyos ay hindi nagkakait ng tulong sa kapuwa. Dahil kapag pinagkaitan natin ng tulong ang ating kapuwa, ang Diyos ang ating pinagdamutan.

Ang ating pag-ibig ay hindi maaaring mahati sa dalawa. Kailangan itong maging kompleto sapagkat ang Panginoon mismo ay nagmahal sa atin ng buong-buo, kahit pa tayo ay mga kasalanan.

Manalangin Tayo: Panginoon, maraming salamat po sa Inyong wagas na pag-ibig sa amin. Sa kabila ng aming mga kasalanan ay patuloy Niyo po kaming iniibig. Nawa'y masuklian naman ang Inyong pag-ibig sa pamamagitan ng pag-ibig namin sa aming kapuwa. AMEN.

--FRJ, GMA News